Makasaysayang Krus na Ligas

KAMAKAILAN ay laman ng mga dyaryo ang pagkapanalo ng mga residente ng Brgy. Krus na Ligas, Quezon City sa kanilang protesta para huwag ituloy ang balak na pagpapatayo ng isang bagong Barangay Hall sa makasaysayang pook na ito.

Marami ang natuwa na hindi natuloy ang pagpapatayo ng barangay hall pero naniniwala ako na wala namang nalungkot. Ang nangyari ay debate ng opinion, tunggalian ng prayoridad at paniniwala, pero nanaig ang gusto ng karamihan.

Sa ating mga nagmamahal sa QC, naniniwala ako na wala naman na gustong sirain ang lungsod at wala naman gustong saktan ang damdamin ng mga residente. Isang kahanga-hangang pagpapakita ng proseso ng demokrasya ang nangyari sa Krus na Ligas kung saan ‘di nanaig ang paniniwala ng ilang lider ng komunidad na mahalaga ang magtayo ng bagong Barangay Hall laban sa mas gusto ng mga residente na naniniwalang mas mahalaga na maprotektahan at mapanatili ang bahaging ito ng lungsod na hitik sa kasaysayan at tinuturing na sanktwaryo ng mga naninirahan dito.

Ang Krus na Ligas ay makasaysayan at lubhang puno ng kwento na gumuguhit sa karakter ng Pilipino. Alam ba ninyo na ang Krus na Ligas ay dating bahagi ng lungsod ng Marikina bago pa man nabuo ang QC? Alam ba ninyo na ang Krus na Ligas ay hinango sa pangalan ng isang uri ng puno?

Hindi lang naman ngayon nasabak sa kontrobersya ang Krus na Ligas, ang lugar na ayon sa ating mga ninuno ay umpukan at tagpuan ng mga Katipunero. Noon ay may isang luma at makasaysayang bilog na simbahan sa kontrobersyal na lugar na ito pero isang pari ang nagpagiba rito para magtayo ng isang bagong simbahan. Kahit noon ay kumontra rin ang mga residente dahil ang lumang simbahan ay simbolo ng isang mayaman at madamdaming kasaysayan ng lugar. Ang gusto sana nilang mangyari noon ay huwag nang sirain ang istraktura at pwede namang magtayo ng bagong sambahan na nakapalibot sa lumang moog pero noon ay natalo ang mga nagmamalasakit sa lumang simbahan at tuluyan itong nagiba.

Iyon ang malungkot kaya hindi masisi ang mga residente na naging mas matapang at emosyonal sa kanilang pagkontra sa balak na Barangay Hall. Pero kilala ko naman si Vince Belmonte, kasama ko siya sa Konseho at madalas kaming nagkukwentuhan at alam ko ang sidhi ng pagnanais din niyang maglingkod sa bayan. Sigurado ako na wala siyang intensyon na makasira at makasakit. Tulad ko, tulad ninyo, mahal ni Belmonte ang Krus na Ligas sa QC. Salamat at naayos ang gulo. Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply