Maralita, mangingisda sa Cavite nagtayo ng protest camp

NAGTAYO ng mga protest camps sa mga maralitang komunidad sa Cavite ang mga maralita at mga mangingisda sa bisperas ng Araw  ni Bonifacio.

Itinayo ang mga protest camps sa Kadiwa Market sa Dasmarinas City at sa Talaba 6 sa Bacoor City, kung saan may matingkad na isyung demolisyon.

Noong 2011, isang bahaging Kadiwa Market ang dinemolis upang bigyang daan ang pagtatayo ng SM Hypermall. Samantala Agosto ngayong taon, 11 kabahayan ang dinemolis saTalaba 6, Bacoor habang sinasalanta pa ng bagyong Sendong at hanging Habagat ang probinsya.

Ayon kay ElvieLuza, tagapangulo ng organisasyong Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Cavite, ang protesta ay sentimyento ng mga maralita sa Cavite laban sa mga diumano’y proyektong pangkaunlaran na tinukoy nilang “pagpasok ng pribadong interes sa kapinsalaan ng mga kabahayan at kabuhayan ng mgamaralita”.

“Nagpopostura ang R1 at reclamation projects, LRT extension at road networks na animo’y pinakikinabangan ng mga maralita. Ang totoo nyan, itong mga proyektong ito ang salarin sa mga kaliwa’t kanang demolisyon,” aniLuza, “Hindi kami natutulungan ng mga proyektong ito, pinagkakakitaan pa nga kami.”

Sinasaklaw ng R1 project ang 7-km sa 27.7-km Cavite-Laguna Highway na tumutungo sa mga prime lots na nakatakdang i-debelop sa ilalim ng reclamation project na naglalayon namang lumikha ng isang sonang pang-ekoturismo sa baybaying coastal ng Bacoor at Cavite City.

Layunin naman ng LRT1 extension na dagdagan ng 10 pang istasyon ang LRT line 1 patungong Bacoor. Dagdag pa, ang mga road networks ay mga proyektong imprastraktura na nagpapalawig at nagtatayo ng mga bagong daan sa probinsya, tulad ng Cavite-Laguna highway, Coastal-Noveleta extension road, Daang Hari road, Tanza-Muntinlupa highway, Noveleta-Tagaytay centennial road and Ternate-Nasugbu tourism road. Ang huli ay patungo sa bantayog na Hamilo Cove sa Batangas.

“Sa halip na gawin ng gubyerno ang trabaho nitong maghatid ng serbisyo laluna sa aming mahihirap, nakikipagsabwatan pa ito sa mga dayuhan at malalaking negosyante upang kami ay palayasin sa aming mga tirahan,” ani Luza.Tinukoy niya ang Public-Private Partnerships, ang centerpiece sa planong pangkaunlaran ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino, bilang dahilan ng mga demolisyon sa probinsya.

Pinigil ng apat na pulis at mga traffic enforcers ang unang pagsubok ng mga maralita na itayo ang kanilang protest camps. Iniulat ng huli na sila’y hinaras ng mga pulis at binantaan sila ng pagkakakulong.

Nakapangalap na ng suporta sina Luza at kanyang grupo mula sa mga lokal na organisasyon, alyansa at progresibong party-list, tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan at Piston sa kanilang planong maglunsad ng kilos-protesta sa Nobyembre 30, ika-1 ng hapon sa Kalinisan, Bacoor City, kasabay ng mga pagkilos din sa ibang rehiyon at sa National Capital Region.

Ang Nobyembre 30 ay kilala bilang Araw ng Maralita at gayundin bilang Araw ni Bonifacio, kung kalian dinadakila ang Ama ng Rebolusyong Pilipino nasi Andres Bonifacio.

Tutungo ang kanilang pagkilos sa Disyembre 3 hanggang sa 10, sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, sa pamamagitan ng tinaguriang Lakbayan ng Mamamayan, kung saan maglalakbay ang mga nagpoprotestang mamamayan mula sa Timog Katagalugan patungong Mendiola upang kundenahin  ang malubhang paglabag ng gubyernong Aquino sa karapatang pantao, kabilang na ang mga malalalang pang-aabusong militar sa nasabing rehiyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply