Masusing pagpili ni PNoy

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

PIPILIING mabuti ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang susunod na uupong Associate Justice na nabakante ni CJ Sereno mula sa shorlist na isinumite sa kanya ng Judicial and Bar Council (JBC).

Walang dapat alalahanin ang lahat ng nominado dahil kahit pa may usap-usapan na malakas sa Pangulo ang isa sa mga nominado na si Marvic Leonen, ayon sa Palasyo, lahat ay bibigyan ng pagkakataon ng Pangulo na marinig ang kanilang saloobin kung sakaling mapipili bilang associate justice.

Sa November 22 ang takdang araw upang punan ang nasabing bakanteng posisyon o 90 days mula ng mabakante ito.

Kitang-kita sa Pangulo ang determinasyon na mapiling mabuti ang uupo bilang associate justice kung kaya’t pinili nitong maglaan ng oras upang makapanayam ang mga nominado.

Sa isang banda, kung si Leonen man ang mapili, hindi naman ito makasasama sa SC dahil malinaw na kaya nitong tugunan ang responsibilidad na iaatang sa kanya. Sa halos isang dekadang hindi pagkakasundo ng MILF at ng kasalukuyan maging ng nakalipas na rehimen, sa wakas at natuldukan din ito.

Tila hindi natitinag ang kasalukuyang administrasyon sa akusasyon ng palakasan factor na siya namang tamang gawin sa mga gantong sitwasyon dahil makakaapekto lamang ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkuling dapat gampanan.

Kahit naman talaga anong gawing maganda ng isang tao o pinuno, hindi lahat ng tao ay matutuwa rito.

Hindi maiiwasan na may iba pa ring susubuking sirain ka at hanapan ng butas.

Ang maganda rito, patuloy lamang ang Palasyo sa lahat ng gampanin nito at hindi rin nito iniiwasan ang mga batikos sa halip ay matapang nila itong sinasagot at nililinaw.

Sa mga reporma at pagbabago ngayon sa pamahalaan na dala ng kasalukuyang administrasyon, mas nagiging bukas ang mga opisyal ng pamahalaan sa publiko na isang magandang senyales ng pagbabago sa gobyerno.

Ang mapipiling associate justice ay paniguradong dadaan sa butas ng karayom bago maupo sa posisyon na ngayon ay pinaglalaban ng pitong (7) nominado.

Kabilang din sa mga nominado sina De La Salle University Law dean Jose Manuel Diokno, Court of Appeals Presiding Justice Andres Reyes Jr., CA Associate Justice Rosmari Carandang, CA Justices Noel Tijam at Jose Reyes Jr., at former Energy Secretary Raphael Lotilla.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply