Mga babaeng matatapang

ISANG Pinay na naman ang nahatulan ng kamatayan sa Vietnam dahil sa kaso ng pagpupuslit ng droga. Isa lang si Teresita Palacio sa mga Pilipinang nahaharap sa parusang kamatayan dahil sa kaso ng pagpupuslit ng droga.

Kasunod ito ng marami pang mga Pilipinang nakakulong sa iba’t ibang panig ng mundo, habang ang ilan nama’y naghihintay ng sentensyang kamatayan din.

Gayong hindi naman humihinto ang pamahalaan sa patuloy na pakikiusap sa mga bansang ito na maibababa na lang sa habambuhay na pagkabilanggo ang kanilang kaparusahan.

Mayroon lang kapuna-puna at iisang pagkakakilanlan ng mga kababaihang ito. Mga babaeng walang takot at turistang lumalabas ng Pilipinas at nagpapabalik-balik pa tulad ng nahuling Pinay galing Thailand patungong Vietnam.

Ganyan din ang maraming kaso ng mga kababaihan nating nahuli sa ibang mga bansa.
Isang Pinay galing Hongkong ang patungong China ngunit sa Macau ito daraan. Pinalulon siya ng 50 piraso ng heroin pills kapalit ng $1,000 USD. Palibhasa’y first timer at hindi ito komportable sa kanyang pakiramdam, kaya’t ga-mais itong pinagpawisan, naligalig, balisa habang nakapila sa immigration counter sa Macau.

Hindi pa man ito nakararating sa harap ng immigration officer, pinalabas na ito sa pila at dinala sa immigration office kung saan masusing interogasyon ang pinagdaanan niya. Kaya naman matapos umamin na mayroon nga siyang nilulon na mga pildoras, agad dinala sa isang hospital sa Macau si kabayan at doon inoperahan upang kunin sa katawan nito ang 50 heroin pills.

Ayon sa ating cardiologist na si Dr. Ernie Baello, napakadelikado iyon dahil maaaring pumutok ang heroin sa mga pinaglagyang pildoras at sasabog ito sa buong katawan ng biktima na  siyang magiging sanhi ng pagkalason ng kanyang buong katawan.

Hanggang ngayon, nakakulong pa ang Pinay sa Macau. Mabuti na lang at hindi pa siya nakalusot ng China na may death penalty at hindi talaga sila nagpapatawad kahit ano pa ang lahi ng nagkasala. Sa Macau walang parusang kamatayan kundi mahabang mga taon ng pagkabilanggo naman ang pagsisilbihan nila.

Hindi na rin kasi bago sa mata ng immigration officers ang presensya ng isang Pilipina. Ang katotohanan pa nga riyan, markado na ang Pinay, lalo pa sa mga bansang madalas gawing daanan ng mga nagpupuslit ng droga. Kung may pagdududa  sa mga biyaherang ito, hindi talaga maaaring lumusot ang Pinay.

May magpapanggap pang buntis sa pag-aakalang mabibigyan siya ng konsiderasyon at hindi na daraan sa masusing pagbusisi. May mag-co-costume pa ng pang-madre at marami pang mga estilo na bistadong-bistado na ng mga awtoridad.

Isang mala-modelong Pinay naman ang nagkaroon ng boyfriend sa pamamagitan ng internet. Inanyayahan siya nito na magkita sila sa Malaysia. Pinadalhan niya ng plane ticket ang girlfriend pati na magandang damit, mamahaling sapatos at bag na siyang gagamitin niya sa kanyang pagbibiyahe.

Nang dumating siya sa Malaysia, nilambing siya ng boyfriend at may gusto ‘anya siyang ipadala sa isang kaibigan sa China. Nasa kahon na ang naturang regalo na dadalhin sa kaibigan. At tulad ng dati, binilhan na naman si kabayan ng damit, sapatos at bag.

Excited siyang bumiyahe patungong China. Laking gulat na lamang niya na hinuhuli na siya ng mga pulis dahil may drogang nakita ang mga ito sa dala-dalang maleta.

Ganyan din ang kuwento ng pamilya sa isa sa mga nabitay sa China. May maleta na ‘anyang ipinadala sa kanya at doon na pala naisiksik ang mga drogang ipinabibitbit sa Pinay.

Kaya naman nang maging mainit na ang mga Pilipina, nag-iba ng estratehiya ang mga sindikatong ito at humanap ng ibang lahing tagapagpuslit nila ng droga.

Nakapagtataka pa ba kung bakit paulit-ulit na ginagawa ito ng ating mga kababayan lalo pa ng ating mga kababaihan na tipong wala nang katakot-takot at napakalalakas na nga ng loob.

Ayon sa ating life coach at psychotherapist na si Dr. Randy Dellosa, hindi na nakadarama ng takot ang mga kababayan nating ito na baka mahuli sila sa susunod na mga pagbibiyahe. Bagkus, mayroon silang kakaibang pakiramdam (high) sa pag-aakalang magaling sila kung kaya’t di sila nahuhuli. Ang tendensya pa nito, aakuin nilang isang hamon ang trabahong ipinagagawa at papayag pang mas mataas na bilang at mas maraming gramo ng droga pa ang kaya nilang bibitbitin.
Walang-wala sa kanilang kaisipan ang posibilidad na mahuli, makulong at maging sanhi pa nga ng kanilang kamatayan.

Ang tanging alam lamang nila ay ang magbitbit ng mga ipinagbabawal na droga at kumita ng malaking halaga sa maikling panahong pagbibiyahe at maligaya pa sila habang ginagawa iyon.

Ang ikinagagalit naman ng ating mga OFW, huwag sana silang ituring o matawag man lang na OFW dahil hindi sila katulad nila na nagpapakahirap sa ibayong dagat upang maghanapbuhay nang ligal at kumita sa malinis na paraan. Sila’y pawang mga turista na bumibiyahe lang at nasasangkot sa mga iligal na gawain.

oOo

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am.

Mapanonood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International.BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply