Mga Muslim hinimok na labanan ang RH Bill

HINIKAYAT ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes ang ibang relihiyon sa bansa gaya ng mga Muslim na tutulan ang panukalang Reproductive Health (RH) bill dahil sa sandaling maipasa ito ay tiyak aniyang magdudulot ito ng imoralidad sa lipunan.

Ang pahayag ni Bastes ay kasunod nang pagmamaliit ng ilang pro-RH lawmakers sa ‘Catholic vote’ upang i-pressure ang mga mambabatas na huwag ipasa ang RH bill.

Ayon kay Bastes, kahit mga hindi Katoliko na naniniwala sa kasagraduhan ng buhay ay hindi dapat na iboto ang mga pulitikong nagsusulong ng RH bill.

“Sana maging ang mga hindi Katoliko na naniniwala sa kasagraduhan ng buhay gaya ng mga Muslim ay sana huwag nilang iboto ang mga pulitikong nagsusulong ng RH bill,” dagdag pa ni Bastes.

Anang Obispo, inatasan na rin niya ang mga pari sa kanyang diocese na isulong sa kani-kanilang mga parokya ang Catholic vote sa 2013 midterm polls laban sa mga pro-RH lawmakers. “I already told my priests to tell about that Catholic vote. I strongly support that. This is an important issue and this is a very good test whether the Philippines is a Catholic country or not.”

Iginiit pa ng obispo na ang isyu ng RH bill ay mahalagang isyu dahil sa sandaling maisulong ito ay mamamayani ang immoralidad at tuluyan na aniyang mawawala ang Catholicity ng Pilipinas.

“This is a very important issue. Once we have that RH bill ay wala na. The Catholicity of the Philippines will be gone because that is imposed by the foreign nations to make as immoral as they are. Give us contraceptives, population control. We will be destroyed,” aniya pa.

Maging si Cubao Bishop Honesto Ongtioco naman ay humimok sa mga Katoliko na ipaglaban at protektahan ang kasagraduhan ng buhay at kasal.

Matatandaang hinimok ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang mga Katoliko na isulong ang Catholic vote laban sa mga pro-RH lawmakers.

Minaliit naman ng ilang mambabatas ang Catholic vote at ayon kay Senadora Miriam Defensor-Santiago, ito’y isang ‘myth’ at ‘fiction’ lamang.

Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi sila natatakot sa Catholic vote dahil ito’y pabor sa pagsusulong nila ng RH bill.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply