Mga tanod sanayin; at kolektor ni general

benny antiporda

MALAPIT nang mag-Pasko pero napakalulungkot ang mga dumarating na balita sa atin.

Naririyan ang mga pagpatay na may kasamang rape.

Naririyan ang mga holdapan at kotongan.

May mga nasisiraan ng ulo na pumapatay sa kanilang mga anak o namumugot sa kanilang ina.

Pero ang pinakamatindi ay ang mga pagnanakaw na may pagpatay.

Ito kasi ang pinakamaraming kaso ngayon sa mga karumal-dumal na krimen.

Paano ka magkakaroon ng saya na sumalubong sa Pasko kung ganito ang mga balita?

At kung nagkataon na ikaw, Bro, ang mabiktima, paano?

TANOD AT IBA PA DAPAT SANAYIN

Hindi talaga sapat ang bilang ng mga pulis para bantayan ang lahat ng mamamayan laban sa mga kriminal.

Meron din namang mga multiplier force o pandag-dag sa puwersa ng pulisya laban sa mga kriminal gaya ng mga sundalo, barangay tanod, traffic enforcer, vo-lunteer tanod at iba pa ngunit talaga namang kung kumana ang mga kriminal ay lumilitaw ang labis na kakulangan ng lahat ng mga lumalaban sa mga kriminal.

Kaya naman mungkahi natin, mga Bro, na sanayin ang lahat ng mga multiplier force sa mga trabahong pulis upang makatulong ang mga ito.

INTELIHENSIYA, LABANG PISIKAL

Malaking tulong ang maibibigay ng mga multiplier force kung sasanayin sila sa intelligence gathering at ihanda na rin sa aktuwal na laban sa mga kriminal.

Dapat na sanayin ang mga ito sa mga kalagayang bago, kasalukuyan at makalipas na maganap ang krimen.

Pero ang isa na dapat na alalahanin ay paramihin ang mga ito na magpakita sa mga lansangan upang mapigilan nila ang mga gumagawa ng krimen.

Ideploy rin dapat sila sa gabi at araw.

SUPLAYAN NG MGA GAMIT

Ang mga gamit sa komunikasyon ay mahalaga ring dapat ibigay sa kanila upang mabilis ang kanilang pag-uulat sa mga kinauukulan.

Kinakailangan din nila ang mabilis na pagkilos at nanga-ngahulugan ito ng pagkakaroon nila ng mga sasakyan.

Pero dapat na masuplayan din ang mga ito ng gasolina o diesel at pati ang mantinansiya ng mga sasakyan ay dapat na akuin ng gobyerno.

Ibinabase natin, mga Bro, ang lahat ng ito sa reklamo ng mga pulis na puro kulang ang kanilang nararanasan pagdating sa mga suporta gaya ng nabanggit natin sa itaas.

Kung hindi umano gumamit ang mga pulis ng kanilang mga sasakyan, radyo, computer, papel, gasolina, diesel at iba, paralisado lagi ang mga pulis at hindi sila gaanong makareresponde laban sa mga kriminal.

Kung hindi gagawin ang lahat ng ito, natitiyak ko na magpapatuloy ang mga kriminal sa kanilang mga gawain at mananatiling nasa panganib ang buhay ng mamamayan.

Walang ibang sisisihin sa mga pangyayaring ito kundi ang mismong pamahalaan.

VOLUNTEER

Pero ang isang napakahalaga na dapat gawin ay bigyan man lang sila ng pagpapahalaga.

Kung gagawin sila lahat na volunteer, ‘di bale na lang, sabi nila.

PARUSANG HABAMBUHAY

Good am, Sir Benny. Bakit ayaw ibalik ni Pres. Noynoy ang bitay sa mga walanghiyang mamamatay tao? Kawawa ang teenager o mga batang babae. Dapat ang pinapatay nila ay ang mga korap. Kailan kaya maibabalik ‘yung parusang kamatayan? Thanks po.
0946682….

ASSESOR ALWAYS ABSENT

Ang provincial assessor dito sa Tacloban City ay laging wala sa opisina niya. Ang bagal ng serbisyo rito. Pakisita naman, Governor Petilla, sir. 0909633….

UKOL SA MGA AMPATUAN

Magandang umaga po, sir. May kinikilingan ang hukuman at mali ang paglilingkod ng mga nasa pamahalaan kung hindi mananagot at malalapatan ng parusa ang pamilya Ampatuan at mga kasabwat nila na sangkot sa Maguindanao massacre. Hanggang ngayo’y hindi pa nabibigyan ng hustisya’t katarungan ang ating mga kapatid na kanilang pinatay.

Walang awa ang pamilya Ampatuan.

Dapat sigurong katayin din ang mga sangkot na Ampatuan, kasi nga, hindi lang hayop ang kinakatay nila noong sila’y makapangyarihan pa kundi pati tao. Kaya kulang pa ang mga hininga’t buhay nila bilang kaparusahan sa kasamaan nila. 0905609….

‘DI SANG-AYON SA BITAY

Good am, Sir Benny Antiporda. Ako po’y masugid na tagabasa ng pahayagang Remate. Hindi ako sang-ayon sa kolum mo na nag-sasabing bitay ang dapat na parusa sa mga kriminal. Kasi pag pinatay sila tapos na ang kanilang pagdurusa. Gusto kong habambuhay silang magdusa. Kaya tama lang na hindi na ibalik ang parusang bitay dahil ‘yan lang ang nararapat sa mga kriminal… magdusa habambuhay. 0906712….

KOLEKTOR NI HENERAL

Magandang araw po, sir Benny. Nais ko po sanang manawagan kay General Espina tungkol sa kanyang diumano ay kolektor na si alyas “Andoy”. Ang kolektor po na ito ni general ay nagpalaganap ng bookies at video karera rito sa aming lugar sa Tondo, Manila. Kaya pala protektado ang kanilang mga puwesto ay gawa ng mismong kolektor ni General ang paglalagay ng mga iligal na ito. Tama ho ba ang ganitong gawain, General? Ipinagmamalaki nila na ‘di n’yo ho siya kayang tibagin dahil simula pa ho sa mga pinalitan ninyo ay nand’yan na siya. Kaya siya mismo ang nagparami ng mga iligal. 0907487….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply