MPD handang magpaimbestiga sa CHR

MPD-HeadQ

NAKAHANDA sa anomang imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagkakapatay sa massacre suspect na umano’y nang-agaw ng baril habang nagsasagawa ng recovery operation sa Maynila, kahapon (Nobyembre 15).

Ayon kay MPD Deputy Director P/Sr. Supt. Robert Po, walang “unwritten order” na patayin ang barangay tanod na suspek sa masaker sa mag-ina at kasambahay sa Yakal St., Sta. Cruz.

Ito ang naging tugon ng MPD kasunod ng pahayag ni Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales, na mistulang may ‘unwritten order’ sa MPD na patayin ang mga suspek sa heinous crimes.

Aniya, kapansin-pansin na sa MPD lamang nagaganap ang insidente ng pang-aagaw ng baril ng mga suspek.

Kung totoo aniya na naagawan ng baril ang mga pulis ng MPD ay patunay lamang ito na incompetent at walang sapat na training ang mga pulis Maynila.

Dagdag pa ni Rosales, dapat pa rin umanong irespeto ang karapatan ng mga akusado.

Dahil dito, umapela si Rosales kay Manila Mayor Alfredo Lim na pagsabihan ang mga pulis Maynila na irespeto ang karapatang pantao.

Sa panig naman ng pulis na nakabaril kay Nestor Delizalde, sinabi ng opisyal na maaari itong sampahan ng kasong administratibo (negligence) sakaling mapatunayan na may kapabayaan, habang ang kriminal na aspeto ay isusulong kung magsasampa ng kaso ang kamag-anak ng namatay na suspek.

Magugunitang nabaril at napatay si Delizalde, nang tangkain umano nitong agawin ang baril ng kanyang police escort na si PO3 Michael Pastor na nakatalaga sa MPD-District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) habang nagsasagawa ng recovery operation kahapon ng tanghali.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply