Multong buhay (2)

ITULOY natin ang tinalakay natin noong nakaraang Biyernes ukol sa mga multong buhay na siyang dapat na katakutan: mga opisyal ng pamahalaan, pulitiko at magnanakaw.

Ngunit dahil sa pagiging gahaman ng marami, hindi na napigilan ang pagdami ng mga tao sa ating bansa kung kaya’t pati mga dayuhan ay nakikinabang na rin sa likas na yaman na dapat sana ay tayo ang nagpapayabong.

Sa pagdami ng tao, mas kinailangan ang pera at marami sa ating mga mamamayan ang mas ginusto o ninais na pakinabangan ng ibang bansa ang kanilang angking talino.

Ito ay bunga na rin ng kawalang suporta mula sa gobyerno na pinamumunuan ng mga taong nagsisilbing multong buhay dahil sa walang inintindi kung hindi ang pagkapal ng kanilang bulsa at pagiging maimpluwensiya.

Hay naku mga kababayan, kailan kaya tayo magigising para patayin na ang mga multong buhay na ito. Matigil na ang kanilang pagsasamantala sa ating maliliit.

Pagkakataon na natin sa May 2013 na ibaon  ang mga multong buhay na patuloy na nagpapahirap sa atin at patuloy na nagsasamantala sa ating kahinaan.

Huwag nating tangkilikin ang mga ito at kanilang mga kauri para sa gayun ay makabangon naman tayo sa lusak. Ang beteranong mamamahayag na si Gus Abelgas, ng ABS-CBN at kilalang kilala dahil sa kanyang programang SOCO, ay nabiktima ng multong buhay bago pa man ang paggunita sa Araw ng Mga Patay.

Napasok ang kanyang bahay sa Sta. Rosa, Laguna at ayon sa ulat ay hindi nakilala ang mga suspek. Talagang biktima si Gus ng multong buhay dahil malaki ang duda ng pulisya at maging ng security ng subdivision na ang kanyang caretaker ang suspek sa naganap
na nakawan.

Apat na taon na naninilbihan ang caretaker kina Gus kaya’t hindi ito magawang pagdudahan ng pamilya ng mamamahayag. Subalit sinabi ng mga guardian ng subdivision na nakita nilang patungo sa kinakitaan ng mga kagamitan ng pamilya Abelgas ang caretaker na lulan ng isang motorsiklo na pinatay nito ang makina ilang metro ang layo sa pinagdalahan ng mga gamit. Nang mapunang sinusundan siya ng mga guwardiya, saka ito nagsisigaw na nanakawan ang bahay ng kanyang amo. Ang tanong, ano ang ginagawa niya sa lugar na iyon?

Naniniwala ako na batid ni Gus na kaduda-duda ang kanyang caretaker, lamang ay hindi niya matukoy dahil kilala ng marami si Gus bilang napakabait at mahinahong tao.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply