Nagkakalokohan sa RSBSA ni PNoy

ito-ang-totoo-colored

NAGTUTURUAN ngayon ang National Statistics Office (NSO) at Dept. of the Interior & Local Government sa Olongapo kung sino ang dapat magbayad sa suweldo ng may 100 katao na ginamit nilang taga-survey at interviewers kaugnay ng RSBSA o Registry System for Basic Sectors in Agriculture ng pamahalaan.

Ito Ang Totoo: ipinatupad ang RSBSA sa 13 barangay sa Olongapo nitong nakaraang Oktubre at bawat barangay secretary ang ginawang supervisor ng mga taga-survey  sa kani-kanilang  barangay.

May orientation/training muna bago sila isinabak sa field, umulan man o umaraw, nagtrabaho ang mga pobre kahit pansamantala lamang ang pagkakakitaan.

Pero dismayado na ngayon ang mga kawawang naging taga-survey dahil mag-iisang buwan nang tapos ang RSBSA, hindi pa rin sila nababayaran.

Kaya nga pumasok na taga-survey ay pawang mahihirap ang mga ito at umaasang kahit papaano ay makabibili ng bigas, makapagbibigay ng baon sa mga anak na nag-aaral at makapagtatabi kahit na maliit na halaga pambili man lang ng mumurahing hamon para sa darating na Pasko.

Pero ang simpleng pangarap na pinuhunanan ng pagod, pawis, luha at may mga nangutang pa, ay parang bulang lulutang-lutang at tila mawawala pa ng tuluyan.

NSO ang habulin ninyo, payo ng DILG at wala pa raw pondo, ayon umano sa NSO.

Ito ang Totoo: kinasangkapan ninyo ang mga pobreng tao kaya dapat bayaran ninyo.

Kailangan pa ba ang Malakanyang o si PNoy para ituwid itong baluktot na kalagayan kaugnay ng RSBSA?

Baka nga dahil kung anoman ang nangyayari sa Olongapo ay maaaring nangyayari rin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pera-pera kasi ito kaya posibleng tumitirada na naman ang mga dati nang mga dorobo sa loob ng gobyerno. Ito ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply