Nakaambang UV Express year-model phase-out ng LTFRB, pinalagan

TUTUTULAN ng mga asosasyon ng UV Express sa Metro Manila at mga kanugnog na probinsya at ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang balak ng LTFRB na simula Enero 2013 ay di na papayagan pang mairehistro ang mga UV Express Units na ang edad ng sasakyan ay 13 years old pataas.

Tinatayang 90% ng kasalukuyang 40,000 UV Express units sa buong bansa ang tatamaan ng phase-out na magreresulta ng malawakang pagkawala ng kabuhayan ng mga UV Express Drivers at Operators kabilang na ang kanilang mga pamilyang nakaasa dito, ayon sa Alyansa Tutol sa UV Express Year- Model Phase-Out.

Ayon sa  grupo, sa biglang tingin, maganda ang layunin ng pagtatakda ng taning sa buhay ng mga FX, AUV at Van na saklaw ng mga nasabing programa, upang makapaglingkod sila bilang public utility. Ang pagtiyak na nasa good working condition pa ang mga nasabing utility vehicle, at, mas maganda pa, ay bago o moderno ang mga unit na gagamitin para dito, ay magtitiyak ng episyente, ligtas at mabilis na pagseserbisyo sa mga mananakay.

Sa kabilang banda, hindi nabibigyang-pansin o konsiderasyon ng nasabing patakaran ng LTFRB ang sitwasyon ng mga operators ng mga UV Express Service na kalakhan ay mga maliliit na operators, lalo na ang mga single-unit owners, at pati na ang import-dependent na kalagayan ng ating bansa.

Una sa lahat ay hiniling  ng pamahalaan sa mga pribadong operators na tumulong sa pagpuno sa kakulangan ng pamahalaan sa pampublikong serbisyong transportasyon, partikular sa land transport.  Dahil sa kagustuhang makatulong sa pagbibigay sa serbisyo-publiko sa transportasyon, bukod pa ang kagustuhang magkaroon ng kabuhayan sa sitwasyong salat ang trabaho sa ating bayan, tumugon ang mga operators sa panawagang ito.  At tuloy ginamit ang sariling puhunan, na maaaring bunga ng kanilang naimpok; nakuha mula sa retirement, kasama na ang mga kawaning pampubliko; at mga natipon bilang OFW’s.  Mayroon ding nangutang sa mga banko at money-lenders, kapalit ang kaukulang pag-aaring maaaring iprenda o i-collateral. Sa ganitong sitwasyon ay nakatulong ng malaki ang ating mga maliliit na UV Express operators sa publiko at sa pamahalaan.

Pinasok ng mga nasabing operators ang larangan ng pampublikong transportasyong-panlupa sa pag-aakala na mababawi nila ang kanyang puhunan, habang may kinikita para sa pamilya, at sa masinop na pag-iimpok ay maaari pang manganak o madagdagan ng bagong unit ang kanilang pagsisikap.  Subali’t ang hindi nila akalain, bagama’t ang lahat sa mundo ng public transportation ay may regulasyon, mula sa pagkuha ng lisensya, rehistro, prangkisa, pagtatakda ng pasahe at maski na ang pagsulong sa trapiko, subali’t ang usapin ng panggatong gaya ng diesel at gasolina, spare parts at maging iba pang consumables gaya ng motor oil, ay hindi saklaw ng regulasyon ng pamahalaan.  Sa madaling salita, madaling magbago ang presyo, na mas malamang ay pataas, dahil imported ang mga ito.  Sa suma-total, hindi nagkatotoo ang feasibility study na ginagawa ng operator, dahil hindi pirmis at wala sa control ang mahahalagang gastusin sa operasyon ng public utility.

Dapat ding ibilang sa mga salik na nagpahirap sa buhay ng mga operator ang pagpapataw ng papalaking multa, buwis at bayarin, gaya nga ng itinadhana ng DOTC-LTO  Department Order 2008-39;  12% VAT sa langis at iba pang bilihin at serbisyo; gayon na rin ang pagpapalaki sa ibinabayad sa rehistro (Road Users Tax a.k.a Motor Vehicle Users Fee); at iba pa.

Sa pana-panahon, dapat ding ikonsidera ang mga mapanirang kalamidad na bumiktima rin sa ating mga operator at buong mamamayan, gaya ng mga sasakyang lumubog sa typhoon Ondoy at Peping nang 2009, at nitong huli, maski ang habagat nitong Agosto, 2012, na nagluwal ng matinding pagbaha.

Dahil sa mga nabanggit na salik ay kulang ang 13 taon para makatipon ang mga operator ng pampalit sa kanilang unang unit.  Sa totoo lang, maski na nga ang pang-maintenance sa kasalukuyang unit ay nagiging problema. Ang resulta, nasasakripisyo ang regular na pagmamantini ng sasakyan, at tinutugunan lang ang maintenance kapag may mga mayor nang diperensya na, na hindi naman mangyayari kung alaga nga sa maintenance ang sasakyan. At kapag dumating ang pangangailangang tugunan ang mga mayor na sira, kailangan pang maghanap ng mauutangan, isang malinaw na senyal na kinakapos ang kita ng sasakyan para sa maintenance, laluna ang pag-iipon para sa kapalit na bagong unit.

Hindi rin maaasahang gamitin ang napaglumaang unit bilang collateral o kaya’y ibebenta na para makatulong pambili ng bagong unit.  Sino pa ba ang magbibigay ng mataas na presyo sa luma nang sasakyan, na hindi na rin pwedeng pagkakitaan.  Isa ring kabalintunaan na ang mga na-phase-out na public utility, ay pwede pang gamitin sa pribadong kapasidad, dahil taliwas ito sa prinsipyo ng modernisasyon.

At kung sakaling kailangan nang bumili ng bagong pamalit na unit ayon sa itinatadhana ng year-model phase-out policy, o kahit mas maaga pa nga dahil bumigay na ang sasakyan,  sasalubungin naman ang operator ng napakamahal na halaga ng mga bago o kahit segunda-manong unit.  Dahil importer lang tayo ng mga yari o kahit ng mga locally-assembled na sasakyan, kailangan tayong sumunod sa anumang presyo ng itatakda ng mga car manufacturers at importers.  Kahit nga umaapaw ang mga imbentaryo sa sasakyan ng mga mauunlad na bansa, dahil nga balot sa krisis ang kani-kanilang mga ekonomiya at matumal ang benta ng mga nasabing sasakyan, hindi pa rin makuhang pababain ang presyo ng mga imported na sasakyan.

Dahil dito, hindi tumutugma sa realidad ang patakarang year-model phase-out na itinakda ng DOTC sa pamamagitan ng LTFRB.

Ayon sa grupo, mas mainam kung ang pag-phase-out ay ibatay sa aktwal na kapasidad ng sasakyan na gumampan sa papel nito bilang public utility.  Nariyan naman ang LTO na nagsasagawa ng inspection tuwing pagpaparehistro.  Kung may problema sa usapin ng tinatawag na “non-appearance”, ang problemang ito ang dapat lapatan ng solusyon, at hindi ang arbitraryong pagtatakda sa haba ng buhay ng public utility.  Dahil sa pagkakataong hindi na kaya ng operator na ipakumpuni ang sasakyan, iyon na ang tamang panahon para kusang iretiro ang nasabing sasakyan, at papalitan ng bago, o kung segunda mano man, iyong makapapasa sa pamantayan ng LTFRB at LTO.

Magiging praktikal lamang ang year-model phase-out kung may kapasidad na ang ating bayan na magsagawa ng manufacturing ng sariling sasakyan, na bukod sa magbibigay ng malawakang local employment, ay magiging abot-kaya ang halaga ng mga sasakyan dahil nga locally-produced, at mura ang mga sangkap na kukuhanin mula sa mayamang natural at mineral resources ng ating bansa.  Sa ganitong kalagayan, maaari pa ngang magtakda ng mas maikling year-model phase-out, gaya ng nangyayari sa mga mauunlad na industriyalisadong bansa, sabi ng grupo.

Sa ganitong kalagayan, mas mura na bumili ng bagong sasakyan, kaysa gastusan pa ang mga mayor na sira ng dating sasakyan.  Hindi tulad ngayon na mas murang paulit-ulit na magpaayos ng sasakyan kaysa bumili ng bago.

Babala ng grupo, kung hindi magpapatupad ng moratorium ang LTFRB at ipipilit nila ang Year-Model Phase-Out simula sa Enero 2013, magsasagawa sila ng malawakang kilos-protesta upang ipagtanggol ang kanilang hirap nang kabuhayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>