Narco-politicians hindi uubra sa Caloocan — Recom

TINIYAK  ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiveri na hindi makapapasok sa lokal na pamahalaan ang mga tinatawag na “narco-politicians” dahil na rin sa tulong ng mga residenteng sumusuporta sa alkalde.

Sa naging mensahe ni Echiverri sa paggunita ng ika-149 taon na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio na idinaos sa dambana ng bayani sa Bonifacio Monument Circle (BMC),  sinabi pa ng alkalde na hindi papayag ang mga tunay na anak ng Caloocan na pagharian sila ng mga taong baluktot ang moralidad.

“Tulad ni Gat Andres Bonifacio na hindi pumayag na maghari ang mga baluktot at hindi karapat-dapat, ang mga tunay na anak ng Caloocan ay hindi rin papayag na pagharian sila ng mga taong baluktot ang moralidad at konsensiya. Hindi natin papayagang maghari ang tinatawag na “narco-politics” sa Caloocan. Hindi natin hahayaang mamuno ang mga taong ilulugmok ang mga kabataan sa bisyo maluklok lamang sila sa kapangyarihan,” sabi pa ni Mayor Recom.

Sinabi pa ng alkalde na mananatiling buhay sa isipan ng mga residente ang pamana at alaala ni Bonifacio hanggang mayroong mga taong salot sa lipunan na nagsisilbing sagabal sa pag-unlad ng Caloocan City.

Kasama ring nanguna ni Echiverri sa ginanap na pagdiriwang si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Caloocan City Councilor Ricojudge Janvier “RJ” Echiverri, mga halal na opisyal ng lungsod at iba pang panauhin.

Sinimulan ang programa dakong alas 6:00 ng umaga kung saan ay sama-samang nagparada sa kahabaan ng Efipanio delos Santos Avenue (EDSA) ang mga opisyal at empleyado ng city hall kasama ang iba’t-ibang organisasyon patungo sa BMC.

Kabilang sa programa ang pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas, panunumpa sa katapatan ng watawat, panalanging bayan, pag-aalay ng bulaklak, gun salute, pag-awit ng Caloocan hymn, pagbasa ng sampung utos ni Bonifacio, mensahe mula kay Mayor Recom, paghawi ng 150 logo ni Bonifacio at paggawad ng gantimpala sa mga best marching contingents.

Kabilang din sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Echiverri na ang isa sa pinakatampok sa programa ay ang paghawi ng tabing ng 150 logo ni Bonifacio dahil sa susunod na taon ay ipagdiriwang na ang isa at kalahating siglo ng kapanganakan ng naturang bayani.

Ayon kay Mayor Recom, naging saksi ang dambana ni Bonifacio sa pag-unlad ng kanyang pinamamahalaang lungsod dahil na rin sa ipinakitang sipag at dedikasyon ng alkalde at ng mga kasama nito sa pagpapa-angat sa naturang siyudad.

Aniya, nakikipagsabayan na ngayon ang Lungsod ng Caloocan sa mga pinakamauunlad na siyudad sa Pilipinas bukod pa sa kabi-kabilang mga parangal, pagkilala at pagpapakita ng kahusayan at katapatan sa pamamahala ng mga lokal na opisyal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply