Nasimulan ni Bonifacio ipagpatuloy – PNoy

PNOY-5

HINIMOK ni Pangulong Benigno Aquino III ang sambayanang Filipino na ipagpatuloy ang nasimulang pagbabago ng mga bayani at huwag paapi sa sariling limitasyon partikular na ang nasimulan ni Gat. Andres Bonifacio.

Sa isinagawang paggunita sa 149th birthday ni Bonifacio bilang bahagi ng kick off ceremony sa ika-150 selebrasyon sa susunod na taon ay hinimok nito ang publiko na huwag sayangin ang sakripisyo ng mga bayani tulad ni Bonifacio.

Aniya, walang dahilan upang matakot at dapat tularan ang ginawa ni Bonifacio na ipinaglaban ang kalayaan ng bansa at hindi na muling pasasakop sa nais mang-api.

Kailangan din aniyang maging handa ang lahat na ipaglaban kung ano ang atin, bagama’t wala namang direktang pagtukoy sa West Philippine Sea.

Sa kasalukuyan, nakasentro ang laban ng pamahalaan sa pagsugpo sa katiwalian sa lipunan at tahakin ang tuwid na landas.

Sa kabilang dako, sinabi pa rin ng Chief Executive na katulad ni Bonifacio ay kailangang huwag panghinaan ng loob kung mabigo at ituloy lang ang laban.

Sinabi rin ni Pangulong Aquino na hindi isang subersibo at hindi rin marahas si Bonifacio, bagkus, base sa kanyang akda, ito ay mahinahon at makatwiran.

Inamin ng Pangulong Aquino na humanga siya sa galing ni Bonifacio sa paghabi ng salita at patunay rito ang akdang “Dekalogo ng Katipunan” at “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog.”

“Ngayon, isa tayong malayang bansa. Walang banyagang mananakop; wala ang tanikala ng mga Kastila. Pinatunayan natin sa lahat ng mga nagtangkang alipinin ang ating lahi na hindi tayo papasindak, at handa tayong ipaglaban kung alin ang tunay na sa atin. Hindi rin kalabisang isipin, na kung may maituturing man tayong rehas sa nakaraang dekada, ito ay ang katiwalian at kahirapan. Subalit, dahil na rin sa ating pagkakaisa’t malasakit sa kapwa, nababaklas na rin ito sa tuwid na daan. Bilang pagkilala sa sakripisyo ni Bonifacio, at ng libu-libong ninuno nating nagbuwis ng kanilang buhay, simple lang ang tungkulin natin: Lahat tayo ay may papel na maaaring gampanan sa paghubog ng ating bayan. Huwag tayong papasakop sa sarili nating limitasyon. Huwag tayong papasakop sa takot at pagdududang nagsisilbing pilat ng ating kasaysayan. Huwag tayong papasakop sa mga magtatangkang ibalik ang pang-aapi ng nakaraan,” ang bahagi ng talumpati ng Pangulo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply