NBI pinakilos na kaugnay sa pagsabog sa bilibid

PASOK na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa naganap na pagsabog sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) kaninang umaga.

Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Baraan III, bumuo na si NBI Director Nonnatus Rojas ng grupo na magsasagawa ng parallel investigation sa insidente.

Inaasahang sa pamamagitan nito ay mas mabibigyang linaw kung paano naganap ang pagsabog at kung sinu-sino ang mga dapat managot sa panibagong insidente ng karahasan sa loob ng bilibid.

Una nang kinumpirma ni Baraan na dakong ala-singko kinse ng madaling araw kanina, habang nagja-jogging ang mga inmate sa maximum security compound, isang preso ang naghagis ng pampasabog na hinihinalang granada o improvised explosive device.

Bagamat may mga nasaktan sa insidente, wala naman daw nagtamo ng grabeng pinsala.

Tinukoy pa ni Baraan na masyado pang maaga sa ngayon para sabihin kung ano ang posibleng motibo sa pagsabog.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply