Negosyante patay sa ratrat, 2 helper kritikal

PATAY ang 42-anyos na negosyante habang sugatan ang dalawa nitong helper nang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang nauna habang natutulog sa loob ng kanyang sasakyan kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Efren Albao, residente ng 24-B Ilang-Ilang St., at barangay Kagawad sa kanilang lugar sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang sugatan at nasa kritikal ding kondisyon sa naturan ding pagamutan ang dalawa niyang helper na sina Ludegario Albao 26 at Renel Escleto, 22 na kapuwa nahagip din ng bala sa bahagi ng kanilang katawan.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Ronaldo Frades at SPO1 Genomar Geraldino ng Investigation Section ng Pasay police, alas-4:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa Galvez St., habang natutulog ang mga biktima sa loob ng nakaparadang L300 van na may plakang ZMW-689 at naghihintay ng oras upang magkarga ng mga manok na negosyo ng biktima.

Dalawa sa tatlong lalaki na magkakaangkas sa isang motorsiklo ang umano’y lumapit at inikutan ang van bago kapuwa naglabas ng kanilang armas at niratrat ang mga biktima.

Nang matiyak na napatay na ang kanilang target, sumakay na ang dalawa sa naghihintay pa nilang kasama na nagmamaneho ng motorsiklong ginamit sa pagtakas.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang bagama’t isinaisantabi na ang anggulong pagnanakaw dahil nakuha pa sa loob ng van ang P11,000 cash at tsekeng nagkakahalaga ng P103,000 na nakapangalan sa nasawi.

Napag-alaman din na si Albao ay nagsisilbing campaign manager ng isang pulitiko at katatalaga lamang bilang tagapangasiwa ng isang negosyo sa Pasay City Public Market.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply