NHTS database susubok sa LGUs

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

MASUSUBOK ngayon ang mga lokal na pamahalaan sa NCR sa mapangahas na paanyaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin ng mga ito ang National Household Targeting System (NHTS) database sa pagpili ng mga benepisyaryo sa kanilang iba’t ibang programang pang-serbisyo publiko.

Ang NHTS database ay isang Sigurado, Kumpleto at Totoong talaan ng poor at non-poor households na dumaan sa masusing proseso ng pagsasala upang lumabas ang tunay na nangangailangan ng mga programa ng pamahalaan sa buong bansa at bawat siyudad.

Kung ang hangarin ng isang pinuno ng lungsod ay maibsan o tuluyang wakasan ang kahirapan ng mga mamamayan nito, hindi ba’t karapat-dapat lamang na tumbukin muna nito ang maralitang mas nangangailangan ng kanilang pagkalinga?

Ayon sa impormasyong ating nakuha, sa 17 LGU ng NCR, dalawa (2) pa lamang ang lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nila at ng DSWD upang makakuha ng kopya ng poor at non-poor households sa kanilang siyudad. Ang mga naturang LGU ay ang siyudad ng Malabon at Makati habang nagpahayag naman ng interes tungkol dito ang siyudad ng Navotas.

Kung ating iisipin, ano ba ang iba pang dahilan kung bakit sa magandang kapakinabangan ng NHTS database ay maliit na bilang pa lamang ng mga LGU ang gumagamit nito? Malamang niyan, siyempre, dahil sa pamumulitika na kung sino lang ang kakampi at tumulong sa kampanya ay sila lang ang tutulungan.

Sa kabila nito, patuloy pa ring umaasa ang mga nagsusumikap mabuo at mapanatili ang integridad ng NHTS database mula sa field at office staffs ng NHTU hanggang sa mga pinuno ng pamunuan ng DSWD-NCR, na i-maximize ng mga lokal na pamahalaan ang pakinabang na maidudulot ng naturang talaan.

Wala namang masama sa paggamit nito dahil bukod sa independent ang DSWD mula sa iba’t ibang elemento ng pamumulitika, masusing pinag-aralan ang pagbalangkas ng mga materyales na ginamit sa NHTS database kung kaya’t nakatitiyak tayo na totoo ang nilalaman ng talaang ito.

Samantala, maging mga Non-Government Organizations, Civil  Service Organizations at National Government Agencies ay inaanyayahan din na gamitin ang NHTS Database sa pagpili ng mga tiyak na nangangailangan ng kanilang tulong at suportang maibibigay.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply