OFW nakulong sa Jeddah ngunit ‘di alam ang kasalanan

bantay ocw

IKINULONG ng labing-apat (14) na buwan sa General Prison ng Jeddah si Donking Eljohn Campos, subalit hindi niya mismo alam kung ano ang nagawang kasalanan at sentensya. Nauna rito, anim (6) na buwan pa lang siyang nagtatrabaho bilang technician sa kanyang employer ngunit matapos makitang may kasama silang mga babae sa barracks, dumating na ang mga pulis at walang ano-ano silang pinaghuhuli.

Noong Mayo 17, 2012, labis ang pag-aalalang dumulog sa Bantay OCW ang kanyang maybahay na si Ruth para humingi ng tulong hinggil sa kaso ng asawa. Napag-alamang immorality ang ikinaso kay Donking at mahigit 20 pa niyang mga kasamahan. Hindi naman natinag ang pagtitiwala ng maybahay sa kanyang asawa dahil ipinaliwanag ni Donking na nagkasabay lang sila at ang mga babaeng iyon (na hindi naman nila kilala) sa barracks.

Kaagad na ipinakipag-ugnayan ng Bantay OCW ang kasong ito sa tanggapan ni Consul Leo Tito Ausan Jr. ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, KSA. Sa natanggap nating email, nagpadala sila ng kinatawan sa General Prison upang alamin ang kalagayan ni Donking at kanyang mga kasamahang OFW roon. Makalipas ang 14 na buwan, napawalang sala ang ating mga kababayan at nakauwi si Donking at kasamahang si Leo Prado noong Oktubre 13, 2012.

Muling bumalik sina Donking at Leo sa Bantay OCW program ng Radyo Inquirer 990AM upang magpasalamat at ihingi rin ng tulong ang naiwan pang mga kasamahan sa Jeddah. Sa kasalukuyan, nakapaghain na sila ng kaukulang reklamo laban sa lokal na ahensyang Al Habib International Corporation sa POEA at nakaantabay naman ang BantayOCW sa nakatakdang pagdinig ng kaso sa Disyembre 14, 19 at Enero 05, 2013.

Pagkakasakit sa ibayong-dagat

Hindi natapos ni Mary Joy Sinoro ang kanyang kontrata bilang household service worker (HSW) sa Dubai, UAE matapos mapag-alamang mayroon siyang Hepatitis B. Hiling ng kanyang asawang si Marlon na agad makauwi sa bansa ang kabiyak.

Mabilis na ipinaalam ng Bantay OCW sa Philippine Overseas Labor Office (POLO – Dubai) ang kondisyon ni Mary Joy. Nakausap rin natin sa pamamagitan ng linya ng telepono si Mary Joy na noo’y nasa Principal agency nito sa Dubai. Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga siya ng ating embahada sa Dubai habang isinasaayos ang kinakailangang mga dokumento. Hinihintay na lang ang tiket para sa kanyang pag-uwi.

Walang suporta dahil wala naman umano silang anak

Walang anak ang mag-asawang Remegildo at Romalyn Luzon, nang tumulak patungong Tanzania, Africa si Remegildo upang magtrabaho bilang CCTV Technician. Subalit sumbong ni Romalyn, anim (6) na buwan na siyang hindi nagpapadala sa kanya ng pinansyal na suporta. Umamin si Remegildo na may iba na siyang pamilya sa Africa at buntis pa ang ibang asawa niya. Katwiran ng OFW, wala naman silang anak ni Romalyn kung kaya’t hindi siya nagpapadala, mas kailangan umano ng pamilya niya sa Africa ang kinikita nito.

Nakausap ng Bantay OCW sa pamamagitan ng linya ng telepono si Remegildo sa Tanzania, upang mamagitan sa sumbong na ito ng kawalan ng pinansyal na suporta sa asawa. Ipinaalala natin sa ating kabayan na may hinuhulugan pa rin silang bahay sa Maynila at iba pang mga gastusin. Nangako naman ito na magpapadala sa darating na Disyembre na siya namang titiyakin ng Bantay OCW.

Kasama sa biyahe, illegal recruiter pala

Madalas magkasama sa pagbibiyahe ang first-timer na aplikante na si Rosalie Gonzales at dentistang si Dr. Isabel Igle. Tinanggap nito ang alok ng doktor na mag-aplay patungong London kahit aalis bilang turista, dahil may naghihintay umanong trabaho roon. Subalit matapos magbayad ng kabuuang halagang P300,000 hindi pa rin nakaaalis si Rosalie bagama’t naghintay na ito ng mahigit isa’t kalahating taon. Bukas pa rin ang komunikasyon ng dalawa ngunit puro pangako lang ang binibitawan ni Isabel, kaya humingi ng tulong si Rosalie sa Bantay OCW upang mabawi ang naibayad na malaking halaga.

Personal na binigyan ng payong legal ni Atty. Conrado Zumaraga, katuwang sa usaping ligal ng Bantay OCW, si Rosalie at pinayuhan siyang gumawa ng kumpletong salaysay ng reklamo para makapagpadala ng demanda sa recruiter na si Isabel Igle.

* * *
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM,
Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am.

Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply