Opisyal ng BIR kinasuhan ng robbery extortion

NBI

KASONG robbery extortion ang kinakaharap ngayon sa piskalya ng Caloocan City ng isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa umano’y paghingi ng P100,000 na suhol mula sa isang negosyante.

Kinilala ni NBI director Nonnatus Caesar Rojas ang respondent na si Thelma Binuya, Revenue Officer I, 53, ng Calumpit, Bulacan at naka-assign sa BIR Revenue Region No. 5, Revenue District Office No. 27, Caloocan City.

Haharapin ni Binuya ang kasong paglabag sa Republic Act 3019, mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa reklamo ni Joselito B. Ramos, President/General Manager ng  Sinusoidal Electrical Support, Inc. (SES) noong November 9.

Ayon sa NBI, si Binuya ay naaktuhang tinatanggap ang suhol sa isinagawang entrapment operation ng ahensya noong nakaraang Biyernes.

Sa reklamo ni Ramos, humingi ng kunsiderasyon ang naturang kumpanya para mabayaran nila ng unti-unti sa loob ng 18 buwan ang kanilang tax liability na P2,408,703.91.

Gayunman, itinuro umano ni BIR RDO Albino M. Galanza kay Binuya ang External Auditor ng kumpanya na si Mr. Gerardo Espino upang mapag-usapan ang naturang kahilingan.

Ayon kay Espino tiniyak sa kanya ni Ms. Binuya na maaaprubahan ang kanilang kahilingan subalit hiningan siya ng karagdagang P100,000 ni Binuya bilang kunsiderasyon kapalit ng tulong.

Dalawang araw makaraan, tinawaran umano ni Espino ng P80,000 ang hinihingi ni Binuya na pinayagan naman ng huli at noong November 16, 2012 ay sinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Binuya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply