P2-M reward money vs big 5 fugitives, ‘di solusyon sa pamamaslang – Obispo

BAGAMAN itinaas ng Department of Justice sa P2-milyong ang reward money o patong sa ulo ng tinaguriang “Big 5 fugitives”, naniniwala si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo na hindi pa rin mahihinto ang “culture of impunity” sa bansa .

Gayunman, umaasa pa rin si Bishop Arigo na makatutulong ang P2-milyong pisong reward money upang mahuli sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nitong si dating Coron Mayor Mario Reyes na pangunahing suspek sa pagpaslang sa environmental advocate at mamamahayag na si Dr. Gerry Ortega.

Aniya, makatutulong ang naturang salapi para mahuli ang magkapatid na Reyes, subalit hindi ito ang solusyon para mahinto ang culture of impunity sa bansa.

Binigyan diin ng Obispo na ang patas na pagpapatupad ng batas at walang palakasan ang solusyon upang mapanagot sa batas ang mga mai-impluwensiyang pulitiko at indibidwal na nasasangkot sa krimen.

Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan na tuldukan na ang katiwalian sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na naging daan ng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at mga wanted sa batas.

Hinikayat ni Bishop Arigo ang mga awtoridad, mga law enforcement agency ng bansa na dagdagan ang kapabilidad at magpursige para hulihin at papanagutin sa batas ang mga salarin o mga suspek sa maraming kaso ng pagpaslang hindi lamang sa Palawan kundi maging sa buong bansa.

“Sana nga makatulong yang pera na yan pero hindi pa rin yan ang nakikita nating solusyon para mabasag ang culture of impunity sa bansa. Alam mo naman ang istorya kung paano nakatakas ang magkapatid na Reyes. Parang may sabwatan between sa Bureau of Immigration at iba pang ahensya ng pamahalaan. Alam mo kapag mayroon ang pera at koneksyon parang you can get away with the crime. Pero sana nga sa mga nagpapatupad ng batas ay walang palakasan. Talagang everybody will be given ika nga the full force of the law regardless kung sino ka man. At siguro dagdagan ang capabilities ng ating police force na makapag-arrest ng mga wanted na malalaki at makapangyarihang tao,” pahayag ni Bishop Arigo sa panayam sa radyo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply