Paano naman ang FOI bill, Mr. President?

_bobby ricohermoso

HUMARAP kamakailan sa media summit sa Tagaytay City si Pangu-long Noynoy Aquino kung saan ay nagsalita siya hinggil sa pagnanais ng kanyang pamahalaan na makipagtulungan sa mga mamamahayag.

Gusto niyang palabasin sa kanyang talumpati na sa halip na makipagbangayan siya sa media ay mas gusto na lang niyang maging kakampi ito.

Ilan sa kanyang tinalakay ay ang maganda raw na ginagawa ng kanyang gobyerno para tugisin, hulihin at kasuhan ang mga responsable sa nangyayaring mga kaso ng pagpatay sa mga kagawad ng media.

Ipinagtanggol din niya ang kanyang paninindigan kaugnay ng panukalang right of reply bill at kung bakit hindi niya lubusang tanggap ang panukalang i-decriminalize ang libel.

Ipinaliwanag ni Noynoy na ang decriminalization ng libel ay hindi dapat maging lisensya para gawin ito dahil ang pamamahayag ay isang responsibilidad at mas makukuha ng mga mamamahayag ang tiwala ng tao kung magiging mas responsable sila.

Sinabi niya na “basic fairness should suggest that these proposals are not motivated merely by hostility to (the) media, but that there may be cases where people are ge-nuinely and justifiably aggrieved.”.

Sa  isang  bahagi ng kanyang pahayag ay sinabi rin niya na “instead of shutting the door, let us engage in respectful dialogue, so that we can reach a consensus that is fair to all concerned.”

Pero sa kabila ng imbitasyon niyang ito ay makikita pa rin sa kanyang talumpati ang nagpapatuloy na lihim na galit niya sa mga mamamahayag, lalo pa ng panindigan niya ang kanyang suporta hinggil sa right of reply bill.

Sa pangkalahatan, kung pakikinggan lang ang kanyang mga sinabi  para bang talagang seryoso na si Noynoy na makipag-ayos sa media na may ilang beses na rin niyang binatikos sa mga nakaraang panahon.

Pero kung iisipin ng mas malalim ay mababanaag pa rin sa kanyang pananalita na hindi pa siya talagang handa na makipag-ayos at buksan ang sarili sa mas malaya at mapanghamong uri ng pamamahayag sa bansa.

Kapansin-pansin na sa hinaba-haba ng kanyang speech ay ni hindi siya nagpahayag ng tuwirang pag-suporta sa matagal ng nakabinbing Freedom of Information bill.

At kung talagang tanggap na niya ang papel na ginagampanan ng media bilang bahagi ng isang mas malaya at masiglang demok-rasya, dapat sana ay ipinahayag na niya ang direktang suporta sa panukala.

Hindi rin niya nabanggit ang hinggil sa Maguindanao massacre kahit pa ginugunita ito ng mga mamamahayag noong Biyernes kung kailan siya nagsalita sa harap nila.

Ipinaliwanag niya na kung may pagkakataon na nagsasalita man siya ng laban sa media ito ay dahil inaakala niya na makakatulong ito para mas pagbutihin pa ng mediamen ang propesyon nila.

Kung ganito ang katuwiran ni Pangulong Noynoy ay maliwanag na nagkakamali siya ng akala dahil sa aminin man niya at sa hindi ay mas gusto niyang pairalin ang media censorship sa bansa.

Ang gusto niya ay puro positibo at pabor lang sa gobyerno at sa mga opisyales niya ang ibabalita ng mga mamamahayag dahil pakiramdam niya ay sa paraang iyon totoong nagiging kakampi niya ang media.

Sabagay , hindi naman nakapagtataka na ganoon ang mentalidad niya dahil aral din siya at lumaki sa panahon ng Martial Law.

Kaya naman kung ano ang natutunan niya noong Martial Law ay iyon ang gusto niyang pairalin ngayon.

Kahit pa ang arkitekto ng nasabing sistema ay si dating Pangulong Ferdinand Marcos na mortal namang kaaway ng tatay niyang si dating Sen. Benigno Aquino Jr.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply