Paano napalusutan sina Paje at Jasareno

pakurot

NAGING manhid na sa batikos si Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje kahit pa patong-patong na ang reklamo laban sa kanya  dahil sa pagiging inutil nito maliban sa katiwalian. Patuloy lamang ito sa kanyang pagsasataingang-kawali at pilit pa ring isinasahog ang sarili sa “daang matuwid” ng rehimeng Aquino.

Ilang beses na rin namang binalewala ng makapangyarihang Commission on Appointments ang pagtatalaga sa kanya bilang kalihim dahil nga sa pagiging pabaya at inutil subalit hindi talaga tinatablan ng hiya. Sa madaling salita, hindi lang manhid o walang pakiramdam si Paje kundi wala talagang delicadeza.

May ilang kaso na laban kay Paje ang naisampa sa Office of the Ombudsman dahil sa pagiging inutil nito sa pangangalaga sa kalikasan na tungkulin naman talaga niya.

Mismong si Zamboanga del Sur Governor Antonio Cerilles, dating kalihim ng DENR at nakatrabaho ni Paje, ay ayaw na manatili pa ang kalihim sa kanyang puwesto dahil batid nito na wala ito umanong kaalaman sa puwestong kanyang pinatatakbo. Sa isa na namang kahulugan – mangmang pagdating sa usaping responsibilidad si Paje.

Hindi man lang umano kumilos si Paje upang ayusin ang tension sa lalawigan ni Cerilles na nagsimula sa special permit na ipinalabas ng DENR sa isang mining company na nanggagamit ng indigenous people’s group para sa operasyon gamit kasama ang kanilang pekeng credentials.

Mismong ang mga katutubo ang nagreklamo laban sa kompanyang nanggagahasa ng mga likas na yaman sa kanilang lalawigan subalit hindi ito binigyang-pansin ni Paje na maituturing na tuod dahil sa kawalan ng aksyon.

At para maipalusot ang sarili, ikinatwiran ni Paje nang tanungin ng Department of Justice (DoJ) kung paano nakapag-operate ang mining company na hindi siya ang nagpalabas ng permit para sa pagmimina. Sa halip, itinuro niya si Mining Bureau Director Leo Jasareno na nagdedetermina kung qualified ang isang kompanyang aplikante para sa mining permit.

Teka muna, sino ba ang nag-aapruba o pumipirma? Hindi ba ang kalihim ng DENR?

Kung hindi ito alam ni Paje o hindi dumaan sa tanggapan ni Paje, ibig sabihin pinalulusutan siya ni Jasareno.

Linawin natin ang usaping ito. Magkano, este, paano napalusutan ni Jasareno si Paje?

Baka naman may napag-cash-unduan na kaya lamang medyo maliit ang napunta sa isa kung kaya’t naglinis ng kanyang imahe.

Naku, marami pang minahan sa bansa ang kwestiyunable ang pagkakaroon ng pilipit, ay mali, special permit. Ibig sabihin ba nito, puro si Jasareno ang kumita este pumirma?

Gayunpaman, tungkulin pa rin ni Paje na siguruhing ligtas sa pananamantala ng mga minero ang ating kalikasan kung kaya’t dapat na itong lumisan sa serbisyo sa pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III dahil sa hindi ito makasunod sa “tuwid na daan” at sa halip ay tinatahak nila ang balikong landas.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply