Paggunita sa Maguindanao massacre, pangungunahan ng Nat’l Press Club

npc hq

PANGUNGUNAHAN ngayong araw ng National Press Club (NPC) ang isang malaking kilos-protesta patungong Korte Suprema at Don Chino Roces (Mendiola) Bridge bilang paggunita sa ikatlong taong anibersaryo ng Maguindanao masaker.

Tatlumpu at dalawa naman sa 58-kataong biktima sa masaker noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao, ay mga kasapi ng media at ilan sa kanila ay miyembro ng NPC.

Lalahok ngayon sa pagkilos ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-NCR), Burgos Media Center, UNTV at iba pang mga “cause-oriented groups” sa Kalakhang Maynila.

Ginugunita ngayong araw ang ikatlong taon ng madugong Maguindanao massacre na ikinamatay ng 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag.

Ang Pamilya Ampatuan ang itinuturong utak sa krimen na naganap noong Nobyembre 23, 2009 nang harangin ang convoy ng media at mga Mangudadatu na naatasang maghain ng kandidatura ni ngayo’y Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu.

Patay na nang matagpuan sa ilalim ng hinukay na lupa ang asawa at mga kaanak ng gobernador, gayundin ang karamihan sa mga miyembro ng media.

Pinagbabaril sila, habang ang ilan ay ginahasa at pinutulan pa ng ilang parte ng katawan.

Ayon kay University of the Philippines (UP) College of Law Associated Professor Atty. Harry Roque, Jr., sa pinakahuling tala ay 103 pa lamang sa 194 na suspek ang nasasakote ng mga awtoridad.

Sa nasabing bilang, ay 81 pa lamang ang nabasahan ng sakdal at hindi pa aniya kasama si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.

Bagama’t nakakulong na ang dating gobernador at amang si Andal Ampatuan, Sr., malungkot pa rin ang ikatlong anibersaryo ng Maguindanao massacre dahil nababagalan ang pamilya ng mga biktima sa usad ng kaso.

Nababagalan din si Gov. Mangudadatu sa itinatakbo ng pagdinig ng Maguindanao massacre.

Sinabi ni Mangudadatu na kailangan magdoble kayod ang pulisya sa pagtugis sa 92 iba pang suspek sa kaso.

Dismayado rin umano siya sa pasya ng Korte Suprema na hindi na ituloy ang live media coverage sa pagdinig.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply