Paglipat ng kulungan ni Ka Bart, muling iginiit

NAGPROTESTA sa harap ng Regional Trial Court sa Taguig City ang mga kapamilya at kaibigan ng lider ng New People’s Army (NPA) na si Tirso Alcantara, mas kilalang Ka Bart, para muling igiit ang paglipat nito ng bilangguan.

Mula noong Enero 2011 matapos arestuhin, nananatiling nakapiit si Ka Bart sa Philippine Army Custodial Center sa Fort Bonifacio, Taguig City gayong ayon sa mga kapamilya niya ay Mayo, 2012 pa may order ang korte na ilipat na ito sa Camp Crame.

Ayon sa grupong Karapatan sa Southern Tagalog, “Patuloy na nalalabag ang karapatan ni Ka Bart habang patuloy siyang nakabilanggo sa military camp. Malinaw na sinasabi ng batas na ang sinumang akusado ay marapat na dinadala sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o bilangguan na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management.”

Dagdag pa nila, hindi katwiran ang pagiging lider ng NPA ni Ka Bart para patuloy na iditine sa kampo ng sundalo lalo na at may order ang korte na ilipat na ito ng kulungan.

Kamakailan lamang ay naglabas na rin ng kautusan ang Regional Trial Court Branch No 266 sa Taguig City na kailangan nang ilipat si Ka Bart ng kulungan at wala nang dahilan para manatili pa ito sa Fort Bonifacio.

Ang kautusan ay luwal ng isinampang motion ng mga abugado ni Ka Bart na nagsasabing ang mga sundalo ay may, “blatant violation of Rule 113, Section 3 of the Rules of Court” which provides that the person arrested shall be delivered to the nearest police station or jail without unnecessary delay.”

Idinagdag din ng grupo na, “hindi tao ang turing kay Ka Bart sa loob ng Fort Bonifacio. Napatunayan namin na ang inirarasyong pagkain sa kanya ay panis at kontaminado ng nakakalasong kemikal.”

Si Ka Bart ay isa sa 14 na consultant ng National Democratic Front of the Philippines na ngayon ay nakabilanggo at diumano ito ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at Comprehensive Agreement for Human Rights and International Humanitarian Law.

Ayon pa sa Karapatan, may mahigit 400-bilanggong politikal ngayon sa bansa at tatlumpu’t apat (34) sa mga ito ay inaresto sa panahon ng kasalukuyang gobyerno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply