Pagpapahirap ni PNoy sa maralita, sagad sa buto – Kadamay

riles-network

NANANAWAGAN ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa mamamayan na labanan ang ginagawang sistematikong pagtalikod ng gubyerno sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan.

Ngayong umaga ay magsasagawa ng pagkilos ang grupo sa labas ng tanggapan ng Department of Transportation and Communication sa Ortigas kasama ang grupong RILES Network laban sa planong pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT sa susunod na taon, at ang nakaambang pribatisasyon ng mga public mass transit. Kasabay ito ng konsultasyong isasagawa ng nasabing ahensya sa iba’t ibang sektor na apektado ng fare hike ngayong umaga.

Ngayong hapon din ay lalahok sa pagkilos sa labas ng US Embassy ang grupo laban sa mga Public-Private Partnership (PPP) projects sa industriya ng patubig alinsunod sa dikta ng mga imperyalista sa pangunguna ng Estados Unidos. Mangangahulugan umano ito ng higit pang paglaki ng bayarin ng singil sa tubig sa buong bansa tulad ng dinaranas ngayon ng mga taga-Metro Manila.

Ayon sa pangalawang tagapangulo ng Kadamay na si Estrelieta Bagasbas, sagad na sa buto ang ginagawang pagpapahirap ng administrasyong Aquino sa mga maralita. “Hindi na nga kami mabigyan ng disenteng trabaho at nakakabubuhay na sahod, unti-unti pa kaming pinapatay dahil sa mga anti-maralita nitong programa.”

Nauna ng kinundina ng grupo ang planong pagsasapribado at korporatisasyon ng higit sa 26 na pampublikong ospital sa bansa.

“Ang PPP ni Aquino na dikta ng mga malalaking lokal at dayuhang kapitalista ay ibayong nagpapahirap sa milyun-milyong maralita, habang magpapayaman naman sa iilang mga negosyante,” ani Bagasbas. “Wala ng ibang magagawa kaming mga maralita kundi ang lumaban sa kasalukuyang bulok sa sistema upang mabuhay,” dagdag ng lider.

Masusundan pa umano ang gagawin nilang pagkilos ngayong araw ng marami pang pangangalampag ng maralita laban sa PPP ng gubyernong Aquino. Ngayon pa lamang naghahanda na ang Kadamay at ang libu-libo nitong kasapian sa buong bansa para sa isang malaking pagkilos sa Araw ni Bonifacio sa Nobyembre 30 laban sa tumitinding kahirapan at pambubusabos ng administrasyong Aquino sa mga maralita nating kababayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply