Pagpapanagot sa 13 sundalo sa masaker sa South Cotabato, ningas-kugon lamang – Kadamay

NINGAS-kugon lamang ang pagpapanagot ng Armed Forces of The Philippnines (AFP) sa 13 sundalo na nahaharap sa kaso pamamaslang sa asawa ni Daguil Capion, isang tribal leader sa South Cotabato at sa dalawa nilang anak noong Oktubre 18, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Ayon kay Gloria Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, tila bumibigay na administrasyong Aquino sa malakas na kritisismo ng mamamayan at international community hinggil sa kawalang aksyon ng gobyerno sa mga nagaganap na pamamaslang sa mga lumalabang sibilyan at iba pang porma sa paglabag ng karapatang pantao sa bansa.

Si Capion ay lider ng Tribong B’laan na pangunahing tumututol sa pagpasok ng pagmimina ng isang dayuhang kompanya na Xstrta-SMI sa kanilang kabundukan.

Gayunpaman, naniniwala ang Kadamay na ang pagpapanagot sa mga berdugong sundalo sa naganap na masaker ay ningas-kugon lamang, at walang katiyakan pa rin na mabibigyan ng hustisya ang pamilya Capion at ang iba pang biktima ng laksang paglabag sa karapatang pantao ng administrasyong Aquino.

Ayon pa sa Kadamay, isang maliit na hakbang lang ito sa milya-milya pang lalakbayin ng administrasyong Aquino upang mabigyang hustisya ang 114 na mga biktima ng mga extra-judicial killings sa ilalim ng administrasyong Aquino. Sa huling 28 buwan, tila paatras ang hakbang ng kasalukyang administrasyon sa pagresolba sa lumalalang paglabag sa kaparatang pantao sa bansa.

“Habang patuloy na nakakalaya ang Berdugong si Palparan dahil sa binibigay na proteksyon ng militar sa dating heneral, nanatili pa ring pangunahing tagapaglabag ang mga state forces ng administrasyong Aquino alinsunod sa pagpapatupad nito ng programang Oplan Bayanihan,” ayon kay Arellano.

Patuloy pa rin ang panawagan ng kanilang grupo sa Administrasyong Aquino na panagutin ang mga salarin sa pamamaslang 11 maralitang lungsod sa loob ng dalawang taong panuningkulan ni Aquino. Halos lahat sa mga salarin ay nagmula sa hanay ng awtoridad.

Tinatayang madadagdagan pa ang bilang ng mga pinapaslang sa kanilang hanay sa patuloy na pagkandili ni Aquino sa Public-Private Partnership na nasa likod ng mga malawakang demolisyon at pagpapalayas sa mga komunidad ng maralita, sa lungsod at kanayunan, at sa Oplan Bayanihan, ayon sa grupo.
/

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply