Pagpasa sa Sin Tax Bill, ‘di ikinagulat ng mga maralita

HINDI na ikinagulat ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ang pagpasa ng Senado kahapon sa kontrobersyal ng Sin Tax Bill.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Carlito Badion, “Ang pagpapataw ng buwis sa mga maralita ay bahagi umano ng Philippine Development Plan 2012-2016. Sa nasabing plano, isinusulong ang regressive taxation na nagpapataw ng buwis sa mga mahihirap upang makalikom ng sapat na pondo ang gubyerno bilang pambayad sa mga utang panlabas ng bansa.”

Binira ng grupo si Pangulong Aquino at ang mga kaalyado nito sa Senado sa pagiging sunud-sunaran umano sa dikta ng mga dayuhang bangko tulad ng World Bank at Asian Development Bank, habang patuloy na pinahihirapan ang ordinaryong mamamayan.

Ayon sa Kadamay, “Liban sa Sin Tax, pinapiga umano ng gubyerno ang maliit na kita ng mamamayan sa pagpapataw nito ng iba’t ibang buwis pangunahin na ang 12% Value Added Tax.”

Sa kasalukuyan ay baon ang Pilipinas sa mga utang na nagkakahalagang P5.156 trilyon, 39.55% nito o P2.039 trilyong piso ay mga utang sa mga dayuhang bangko. Halos 17% naman ng national budget para sa taong 2013 o P783.24 bilyon ay nakalaan na pambayad sa utang-panlabas ng gubyerno.

Dagdag ng grupo, kumpara sa mga nakaraang administrasyon, ang gubyernong Aquino ang pinamalakas mangutang sa mga dayuhang bangko sa tantos $268.81 milyon kada-buwan. Isa umano ang pangongolekta ng Sin Tax sa paraan ng gubyerno upang makabayad sa mga utang na hindi naman pinakikinabangan ng ordinaryong mamamayan lalu na ang mga maralita nating kababayan.

Nanawagan ang Kadamay sa mga mamamayan na panagutin ang administrasyong Aquino sa ginagawa nitong higit pang pambubusabos sa naghihirap nang taumbayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply