Pagpatay sa ABS-CBN talent, ikinokonsiderang lutas na

cuffed

MATAPOS madakip ang magka-live in partner na sina Althea Altamirano at Fernnando Quiambao Jr sa Apalit, Pampanga nitong nakaraang Sabado at napatay naman sa engkuwentro ang kasabwat nilang si Fahad Usman, ikinokonsidera na ng awtoridad na nalutas na ang pagpatay sa modelo at ABS-CBN talent na si Julie Ann Rodella, 20-anyos residente ng Las Piñas City.

Sinabi ni Chief Inspector Rodelio Marcelo, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kung mayroon man na sangkot na ibang pang indibidwal sa pagpatay kay Rodella ay maliit na lamang ang partisipasyon nito sa krimen dahil hawak na nila ang mastermind na sina Altamirano at Quiambao Jr.

Bukod pa rito, napatay na rin ng mga QCPD operatives ang pinaniniwalaang gunman na si Usman nang kumasa sa isang engkuwentro sa Lanao St., sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Sa kasalukuyan, dalawa pang indibidwal na hindi pinangalanan ang tinutugis ngayon ng mga tauhan ng CIDU para panagutin din sa krimen at pinaniniwalaang anumang oras ngayon ay masasakote na rin.

Tulad ng naunang sinabi ni Marcelo, si Altamirano ang susi para malutas ang krimen at sa kanyang pag-amin matapos na siya ay mahuli ay kasama niyang madidiin nang husto sa kaso ang kanyang kalive-in na si Quiambao.

Si Quiambao ang may-ari ng Mitsubishi Montero na ginamit sa pagdukot kay Rodella sa World Trade Center sa Pasay City at ginamit din sa pagtapon naman sa bangkay ng dalagang estudyante ng Arellano University sa 18th Avenue sa Murphy, Cubao noong Nobyembre 6 ng madaling araw.

Bagama’t hindi naman inaamin pa ni Quiambao kung siya ang kumuha sa serbisyo ni Usman para patayin si Rodella, malinaw nang inamin ni Altamirano na ito ang mastermind sa krimen.

“Di ko akalain na papatayin talaga si Jaja (palayaw ni Rodella), akala ko ay tuturuan lamang ito ng leksyon,” pagsisi ni Altamirano sa kanyang sarili.

Nagtanim ng galit si Altamirano nang ipagkalat umano ni Jaja na may dalawang anak na siya kaya bilang leksyon ay pumayag siya sa plano umano ni Quiambao na tuturuan nila ng leksyon ang kanyang kaibigan.

Ikinakasa na ng QCPD ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kina Quiambao at Altamirano bukas ng umaga sa Quezon City court.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply