Paikot-ikot lang

inton

ANG sabi ng Avis-Rent-A-Car, we’re No. 2 that’s why we try harder.

Kamakailan ay naiulat na 1.7 milyon daw ang bilang ng mga adik sa Pilipinas. Noong isang linggo, sa mga pahayagan, na-report na 2.4 milyon na mga kabataan ang nagugutom.

Noong isang linggo rin, isang dayuhan ang nahulihan ng libo-libong halaga ng shabu sa kanyang minamanehong Pajero na nakarehistro sa isang ahensya ng gobyerno. At ilang beses na ba na may nahuling mga drug mule na labas-masok sa bansa?

Masaklap ang ibinabadya ng mga numero at mga statistics na ito.  Noong isang araw, dalawang dalagita, isang 10-taong gulang at 15-taong gulang ang hinalay at pinatay ng hinihinalang kapitbahay din lang nila.

Nitong mga nakaraang araw, marami pa ang karumal-dumal na krimen ang na-report at karamihan dito ay lulong sa bawal na gamot ang mga kriminal.  Kung gusto nating mabawasan ang kaso ng mga karumal-dumal na krimen, una sigurong dapat agad na harapin ng mga awtoridad ang pagsugpo sa krimen na drug trafficking.

Ang kapal naman ng mukha ng mga dayuhan na nagdadala rito ng bawal na droga.
Kumikita sila ng milyon at ang kapalit ay ang ka-siraan ng buhay ng maraming Pinoy at ang paglaganap ng kahindik-hindik na mga krimen.

Pero ano ba talaga ang lakas ng loob na nagtutulak sa mga kriminal na magbenta ng mga bawal na gamot? Malaki ang pera sa masamang hanapbuhay na ito.

Marami ang naghihirap na Pinoy, marami ang gutom. Hindi malayo na may koneksyon ang kahirapan sa isyung ito.  Pero hindi dahilan ang kahirapan para gumawa ng masama pero ang mga taong nagsasamantala sa kahirapang ito, ang nagtutulak ng mga bawal na gamot, ang mga opisyal ng gobyerno na kakutsaba ng mga kriminal sa pagdadala ng illegal drugs sa Pilipinas, ito ang dapat na papanagutin at sugpuin, sila ang dahilan ng kahirapan. “Vicious cycle” sabi nga.

Gutom na ang resulta ay paghahanap ng madaling pagkukunan ng pera pero kung bawal tulad ng droga, masama rin ang resulta. At kapag napariwara ang buhay, balik sa kahirapan, balik kagutuman.

Paikot-ikot lang, walang katapusan. Kaya kailangan na ang kamay na bakal sa pagsugpo sa illegal drug trafficking at kamay na bakal sa pagsugpo ng kahirapan.  Ialis sa gutom ang 2.4 milyong kabataan, maaring mailigtas sa kuko ng droga ang 1.7 milyon na Filipino at umpisa ito ng totoong pag-unlad.

Kung hindi natin ito agad na sosolusyunan, habambuhay na magiging masaklap ang buhay nating mga Pinoy lalo na ang ating mga kabataan. Email me: ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply