Paje sipain na sa DENR

KUNG ako si Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje na puno ng kontrobersiya sa panunungkulan, sisipain ko na ang aking sarili sa puwesto para matahimik na ang buhay ko.

Bakit ko gagawin ito, parekoy? Aba kung saan-saan at kani-kanino na lang nanggaling ang mga nasusuka sa akin.

Tingnan ninyo, parekoy, kung ano ang nangyayari sa buhay ni Paje ngayon. Sa Commission on Appointments, ilang beses na ba siyang binaypas o hinarang para maging ganap  na  sana siyang DENR secretary?

Kabilang  sa  mga humaharang sa kanya sina Sen. Serge Osmeña at Koko Pimentel na parehong ayaw na ayaw sa mga korap at inutil na opisyal ng gobyerno. Hindi ulol ang mga mamang ito sa Senado para gawing kapritso lang ang pagharang kay Paje.

At saan nanggaling ang mga ebidensya nina Osmeña at Pimentel? Mismo sa mga empleyado ng DENR na nagsasabing hindi lang inutil kundi korap itong si Paje.

Inokeyan niya pa ang  midnight appointment at kamag-anak ni ex-PGMA na si Atty. Daniel Macaraeg at wala  rin itong ginawa kundi mangamu-han sa anak ni ex-PGMA na si Cong. Dato Arroyo na may bata naman sa ilang  korap na taga-DENR at Mines and Geosciences Bureau na inirereklamo rin ng DENR employees.

Ngayon naman, lumutang si ex-DENR Sec. at ngayo’y Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles para harangin sa CA si Paje.

Sabi ni Cerilles, tadtad ng iskam ang pagmimina sa kanilang lugar ng Lupe Pigegetawan sa pamamagitan ng Special Ore Extraction Permit.

Para matuloy ang pagmimina, nagsumite ang Lupe Pigegetawan ng pagsang-ayon daw ng indigenous people’s sa bayan ng Bayog.

‘Yun pala, bogus ito at maniobra lang ito ng may-ari ng kompanya na isang Tsinoy na taga-Visayas.

Nagpapalusot si Paje sa pagsasabing dapat sisihin si ex-DENR Sec. Lito Atienza na nag-isyu ng SOEP. Hak, hak, hak!

Pero, parekoy, ano ang ginagawa ni Paje na siyang bosing ng DENR ngayon?

Bakit hindi niya itinutuwid ito?  O PNoy, pananatilihin mo pa ba sa DENR ang katulad nitong si Paje na lumilihis sa tuwid na daan?

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply