Pamamaslang sa guro na parish worker ikinalungkot ng obispo

LABIS na ikinalungkot ni Jolo Apostolic Vicariate Bishop Angelito Lampon ang pagkakapaslang sa isang guro na miyembro ng kanyang Parish Pastoral Council sa Bonggao, Tawi-Tawi kamakalawa.

Ayon kay Bishop Lampon, nakakaawa ang pagpatay kay Ante Cheng Francisco na kanyang commentator sa misa at grade school teacher din ito sa Mindanao State University sa Bonggao, Tawi-Tawi.

Si Francisco ay binaril paglabas nito ng simbahan dakong alas 8:00 noong isang gabi.

Dismayado naman ang obispo sa mabagal na pag-usad ng kaso dahil hanggang ngayon ay wala pa ring lead o motibo ang mga awtoridad sa pagpaslang sa ginang .

Sinabi pa ng obispo na ang asawa ni Ginang Francisco na si Jhun ay binaril din sa ulo anim na taon na ang nakalipas pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring natukoy na suspek kaya naman dismayado ito sa bagal ng pagkamit ng hustisya sa bansa.

Kaugnay nito, hinamon ng obispo ang mga awtoridad na hulihin at iharap sa batas ang mga nasa likod ng pagpatay sa parish worker.

Ikinagulat din ni Bishop Lampon ang walang takot na pagpapatay ngayon sa mga babae sa Bonggao, Tawi-Tawi dahil napakatahimik na lugar aniya ito at hindi ginagalaw ang mga kababaihan kumapara sa Jolo.

Ikinalulungkot din ng obispo ang pangyayari na maghahatid ng takot sa mga taga-Tawi-Tawi at magsisilbing dagok sa patuloy na ginagawang “intra-religious dialogue” sa Apostolic Vicariate ng Jolo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply