Pamumulitika bawal sa Panagbenga 2013

panagbenga

MAHIGPIT na ipagbabawal ang pamumulitika sa Panagbenga 2013. Ito ang binigyan diin ng pamunuan ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI) sa paglulunsad ng pinakaka-abangang na taunang kapistahan dito sa siyudad ng Baguio.

Nilinaw ni Anthony de Leon, BFFFI co-chair at pangulo ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB), na hindi nila papayagang sumali ang mga pulitiko sa ‘Grand Street parade’ at ‘Grand Float parade” ng Panagbenga, at sakaling ipagpilitan ng sinuman ang sumama ay sisiguraduhin umano nila sasailalim ang mga pulitiko sa kaukulang polisiya.

Sakali mang mapayagang sumama ang mga pulitiko sa mga naturang parada, possible din umanong puwersahan silang tanggalin sa hanay kapag nagpumilit silang mangampanya sa publiko na makakasira sa taunang parada ng Panagbenga.

Samantala, hinimok din ni Mayor Mauricio Domogan ang mga tatakbong kandidato, lokal at nasyonal na huwag samantalahin na mamulitika sa panahon ng Panagbenga upang masiguro na mapapanatili ang kaayusan ng ika-18 pagdaraos ng Baguio Flower Festival.

Nakatakdang pormal na mag-umpisa ang Panagbenga 2013 sa February 1, 2013, kung saan idaraos ang opening grand parade na kabilang ang ‘drum and lyre dance competition’ para sa mga elementary school sa siyudad, sa saliw ng Panagbenga Hymn at Ibaloi Bendian Dance Cadence.

Sa araw din na iyon ay bubuksan ang Market Encounter at Landscaping Competition sa Burnham Park na magpapatuloy na bukas sa publiko hanggang sa pagtatapos ng Panagbenga 2013 sa ika-3 ng Marso.

Ang pinakaka-abangan Grand Street Parade ay idaraos sa ika-23 ng Pebrero at ang Grand Float Parade naman ay sa ika-24 ng Pebrero.

Iba pang mga inaabangan na parte ng Panagbenga ay ang “Let A Thousand Flowers Bloom” na gaganapin sa Melvin Jones, Burnham Park sa February 10, at ang ‘double feature regatta’, alas-diyes ng umaga at alas-sais ng gabi sa Burnham Lake sa araw din na iyon.

Ang ‘Session Road in Bloom’, kung saan isasara sa sasakyan ang naturang kalsada, upang ma-enjoy ng publiko ang mga iba’t-bang pagkain at produkto habang naglalakad ditto sa pangunahing kalsada ng Baguio.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply