Panawagan kay Supt. Baluyot ng Mabalacat PNP

_bobby ricohermoso

ISANG liham ang aking natanggap mula sa mga magulang ng factory worker na si Theresa Tamayo na namatay sa sunog sa boarding house na malapit sa kanyang trabaho sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Oktubre 21 ng taong ito.

Sa sulat ng mag-asawang Arnold at Soledad Tamayo, hinihiling nila na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad sa kaso ng anak nilang si Teresa.

Ang mag-asawa ay kapwa taga-Brgy. Vacante, Bautista , Pangasinan at ang anak nilang si Theresa ay nagpunta lamang sa Pampanga para magtrabaho at matulungan silang makaahon sa hirap.

Inilarawan nila si Theresa na 21 anyos pa lang nang bawian ng buhay. Isa siyang batang mabait, masipag, matulungin, masayahin at maganda.

Malakas ang hinala nila na may foul play sa pagkamatay ng kanilang anak dahil alam nilang simula pagkabata nito ay mabilis siyang magising kahit isang mahinang kaluskos lang.

Sinabi pa nila na base sa kanilang sariling pagsisiyasat ay nagkaroon muna ng putukan sa lugar bago nangyari ang sunog sa boarding house na tinitirhan ni Theresa sa Quezon Drive ext., Dau, sa bayan ng Mabalacat.

Nagtataka rin sila dahil lumalabas na hindi naman sa mismong boarding house nagsimula ang sunog kundi sa bahay ng isang Viner Viado at kung totoo ito ay malaki sana ang pagkakataon ng kanilang anak na gumising at lumabas ng kanilang boarding house.

May nakapagsabi rin sa kanila na bago umalis ng bahay ay ikinandado ng isang anak ng may-ari ng bahay ang kuwarto ng biktima, na siyang naging dahilan kung bakit hindi ito nakalabas ng magkaroon ng sunog.

Hindi din nila nagugustuhan ang ginagawa ng kanilang landlady na nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon, subalit sa ngayon ay bigla na lang silang iniwasan
at ayaw ng makipag-usap sa kanila.

Napansin din nila na magkaiba ang ibinigay na dahilan ng mga imbestigador sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Theresa.

Aa autopsy, namatay ang biktima dahil sa 3rd degree burns samantalang sinabi naman ng Bureau of Fire na suffocation ang dahilan ng kamatayan niya.

Sa ulat ng reporter na si Diony Gole, lumalabas na dating tindahan ang lugar na ginawang boarding house. Kung ganoon dapat alaming ng mga imbestigador kung nakasunod ba ang land lady sa pamantayan ng Bureau of Fire and Protection (BFP) kagaya ng paglalagay ng fire escape at iba pa.

Sa harap ng mga pagdududang ito, nananawagan tayo sa mga kinauukulan lalo na kay Supt. Rodney Baloyo IV, hepe ng Mabalacat Police ng isang malawakang imbestigasyon.

Hindi naman siguro malaking kaabalahan sa mga gawain ni Baloyo kung magsagawa sila ng follow-up investigation para naman malaman mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Theresa at hindi naman siya mapasama na lang sa statistics ng mga namatay sa sunog.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply