Panukalang pagbuwag sa road board sa DPWH, kinontra sa Kamara

SINOPLA ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang panukala ng isang senador na buwagin na ang Road Board ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Kinontra ni Evardone ang panukalang isinulong ni Senador Koko Pimentel dahil hindi naman, aniya, solusyon ang pagbuwag sa road board upang mabura ang katiwalian sa DPWH .

Katwiran ni Evardone, chairman ng House Committee on Public Information na malayong solusyon ang isinusulong ni Pimentel partikular ang umano’y maling paggamit at misallocation ng mga pondo.

Ang kailangan ayon kay Evardone ay mahigpit na ipatupad ang transparency at accountability sa paggamit ng mga pondo, alinsunod na rin sa isinusulong na tuwid na daan ng gobyernong Aquino.

Sinabi ng kongresista na ang road board funds, na mula sa road users tax, ay malaki ang maitutulong sa pagmintina at pag sasaayos ng mga kalsada kung magagamit lamang ng tapat at walang katiwalian.

Ani Evardone, nagpatupad na umano ng mga reporma ang road board laban sa paglustay ng nasbing pondo.

Sa kabila nito, binigyang diin ni Evardone na dapat manatiling vigilante ang publiko sa posibleng pag abuso sa pondo ng road board.

Naunang hinimok ni Senador Pimentel ang administrasyon Aquino na lusawin na lamang ang road board, dahil sa pagkakasangkot umano nito sa mga anomalya kaya mga substandard o mababang ang kalidad ng mga kalsada sa ilang lugar sa bansa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply