Parusang bitay buhayin ulit

HIGIT tayong mapagmahal sa buhay kaysa kamatayan.

Kaya, hindi tayo nagdadalawang-isip na tumulong kung may nangangailangan upang mabuhay at hindi mamatay.

Kahit pa mawalan tayo ng maraming bagay, kabilang na ang isusubo ng ating mga anak.

Hindi bale nang magutom ang ating sarili at sariling pamilya basta may maisalba lang tayo mula sa kamatayan.

Pero paano kung pinapatay na lang basta sa iba’t ibang paraan ang ating kapwa o ang ating mga pamilya o tayo mismo?

Paano kung nanganganib na ang bayan sa kamay ng unang-una ay hindi dapat ipinanganak dahil sa kasamaan?

CUM LAUDE GRADUATE

Kamakailan lang, tinadtad ng saksak hanggang sa mamatay ang isang dalaga at cum laude graduate ng University of the Philippines ng isang durugista sa Cavite.

Nasa 49 na saksak ang ikinamatay ng biktima na tinangkang nakawan at reypin ng suspek habang naging lookout naman ang kapatid niya.

Paano kung mangyari sa ating mga anak ang sinapit ng batang ito na napakaganda pa naman sana ang kinabukasan bilang isang matalino at may pangarap na kabataan?

UPLB STUDENTS

Nang maganap ang pamamaslang sa taga-UST, biglang nanumbalik sa ating isipan ang rape-slay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines, Los Baños.

Matatalino at may pangarap din ang mga batang iyon na basta na lang kinitil ang buhay ng mga halang ang kaluluwa.

Tanong ulit: paano kung mangyari sa atin, sa ating mga pamilya at anak ang ganitong mga krimen?

At sa totoo lang, marami at hindi mabilang sa ating mga daliri ang biktima ng mga magnanakaw at rape-slayer na ito.

7 MILYONG ADIK AT PUSHER

Mahigit pitong milyon ang biktima ng droga sa mahal kong Pinas at dumarami pa.

Paano ang nililikhang krimen ng mga ito?

Malinaw sa rekord ng pulisya na ang mga durugista ang may pinakamaraming rekord sa pulisya.

Sa ibang salita, ang droga ang may pinakamalaking bulto ng krimen sa buong Pinas sa mga police blotter.

At kahit may naganap nang pagbuwag sa ilang laboratoryo ng droga at pagsunog sa mga marijuana at iba pa, lalong dumarami ang mga nasasangkot sa droga.

Nakapagtataka ring kahit na nagmahal na nang doble ang mga droga, dumarami pa rin ang mga user at pusher.

At walang puknat ang pagkakadiskubre sa mga druglord na gumagawa, nagbebenta, nagbibiyahe at nagpapakalat nito.

Hanggang sa hindi na nga mapigilan ang paglaganap ng droga sa buong bansa.

Ngayon, ano ang gagawin para masugpo ang dro-ga na gumagawa ng milyon-milyong kriminal at potensyal na kriminal?

BITAY ANG SAGOT

Walang kagatol-gatol na aking sasabihin na bitay ang isang sagot sa droga at mga nililikha nitong krimen.

Kapag nabitay ang isang nakadroga sa paggawa ng krimen, hindi na siya makauulit.

Makararamdam ng kalayaan ang mga biktima at komunidad na ginagalugad ng nakadroga.

Hindi na hihikbi ang mga ina at ama at kapatid na nawalan ng minamahal na anak at kapatid.

MGA DRUG LORD DAPAT ISAMA

Pero hindi sapat na mabitay ang mga nakikitang gumagawa ng krimen.

Dapat isama sa bitayan ang mga druglord.

Isama ring bitayin ang kanilang mga ninong at ninang o kasabwat na mga nasa pamahalaan.

Ang mga hulidap at nagpapatakas sa kulungan ng mga nakadrogang kriminal at druglord kapalit ng salapi ay dapat ding isama sa kitlan ng anomang karapatan na mabuhay.

IDAAN SA HUKUMAN

Pero lahat ay dapat na daraan sa mahigpit na proseso ng batas.

Ang dumaan lang sa makatarungang paglilitis ang dapat na isalang sa lethal injection.

Hindi dapat na uubra ang mga pagtatanim ng mga ebidensya para lang madiin ang isang kriminal.

Dahil isa itong paglapastangan sa katarungan.

Para sa mga walang abogado, dapat bigyan sila ng pamahalaan nito upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili at dumaan sila sa makatarungang paglilits.

SALVAGING

Hindi tayo pabor sa salvaging o extrajudicial execution ng mga suspek sa krimen na may kaugnayan sa droga.

Gaano man katindi ang pagkakasangkot ng isang akusado sa droga at krimen, dapat na dumaan pa rin ito sa husgado hanggang sa maparusahan ito ng bitay, kung ito ang nararapat sa kanya.

PANAWAGAN SA KONGRESO

Kaugnay nito, tinatawagan natin ng pansin ang Kongreso na isulong nito ang pagbuhay ng parusang bitay na ilalapat kahit man lang pansamantala sa mga kasong may kaugnayan sa droga.

Hindi dapat na hayaan lang ang Palasyo na paglaruan ang batas na ito gaya ng pinaggagawa noon.

Hindi dapat na magpa-impluwensiya ito sa iba na hindi nakararamdam ng panganib mula sa pitong milyong may kaugnayan sa droga.

MABILIS SA KATARUNGAN

Sa pagbuhay sa batas sa bitay, dapat isama ng Kongreso, kasama na ang Palasyo, ang mabilis na paglilitis.

Hindi dapat hayaan ng estado na magkaroon ang mga kriminal ng pagkakataon na makatakas o makapagpatuloy ng kanilang mga krimen gaya ng nagaganap sa mga bilangguan hanggang sa Bilibid.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply