Peace covenant sa magkakalabang pulitiko, isusulong ng PPCRV

TINIYAK ni Henrietta de Villa, chairperson ng church-based election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na isusulong nila ang pagkakaroon ng ‘peace covenant’ sa mga magkakalabang pulitiko sa bansa, partikular na sa mga lugar na mataas ang kaso ng karahasan tuwing eleksyon.

Ayon kay de Villa, nais nilang masiguro na magkakaroon ng matahimik na halalan sa bansa sa susunod na taon.

Dagdag pa niya, bahagi ng kanilang voters education campaign na ipaalam sa mga kandidato ang paggalang sa buhay at boto ng mga mamamayan at pag-iwas sa anumang kaguluhan.

Kaugnay nito, umapela rin naman si de Villa sa mga kandidato na seryosohin ang peace covenant at hindi pakitang tao lang kundi gawing bahagi ng kanilang plataporma ang pagsusulong ng kapayapaan sa kanilang lugar.

“Ako ay nakikiusap sa ating mga pulitiko na maging willing na pumirma sa aming covenants for peace. Pero sana ang pagpirma ay hindi lang ritual, hindi lang pakitang tao na kayo ay lumagda doon sa hinihingi ng PPCRV at ng mga mamamayan. At talagang isasapuso niyo na talagang you will keep that word and honor. Yun bang isasabuhay niyo ang inyong pangako na maging mapayapa at hindi kayo masasangkot sa anumang patayan at election related violence sa lugar ninyo,” ani de Villa, sa panayam ng church-run Radio Veritas. “At sana ang pagsusulong ng kapayapaan ay maging bahagi ng inyong plata porma de gobyerno. Sana igalang ninyo ang buhay at boto ng tao.”

Batay sa talaan ng Philippine National Police (PNP), 15 ang lalawigan na itinuturing na ‘high risk’ o maaaring magkaroon ng kaguluhan sa darating na halalan na kinabibilangan ng Abra, Pangasinan, Ilocos sur, La union, Cagayan, Pampanga, Nueva Ecija, Batangas, Cavite, Masbate, Samar, Misamis Occidental, Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan.

Samantala, hinamon naman ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez ang pamahalaan,  Department of Interior and Local Government (DILG) at PNP na ngayon pa lamang ay lansagin na ang mga private army na hawak ng mga malalaking pulitiko sa bansa upang hindi na ito makapaghasik ng gulo at karahasan sa nalalapit na halalan.

Sinabi pa ng Obispo na may eleksiyon man o wala dapat kumilos na ang DILG at PNP para buwagin ang kanilang puwersa at impluwensiya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply