Pinoy handa na sa paglikas sa Israel

NAKAHANDA na anumang oras ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel para sa ilalatag na evacuation sakaling lumalala ang sagupaan sa pagitan ng mga militanteng Hamas at Israel.

Batay sa ulat, nakapag-empake na ng mga gamit bilang paghahanda sa evacuation ang OFWs.

Napag-alaman na ang bawat gusali sa Israel ay may bomb shelter bilang pananggalang sa pambobomba ng mga kaaway.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Generoso Calonge, nanatiling ligtas ang mga kababayan sa lugar sa kabila na marami na rin ang naitalang namatay at sugatan sa palitan ng rocket ng magkabilang panig.

Kaugnay nito, pinatitiyak ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel at sa Gaza Strip.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nakikipag-ugnayan na ang DFA sa kinauukulang mga kontak para masigurong nasa ligtas na kalagayan ang mga kababayan.

Ayon kay Valte, sa ngayon ay wala pa namang napaulat na Filipino casualty sa pinakahuling karahasan sa rehiyon.

Batay sa record ng DFA, nasa 100 Pilipino ang nasa Gaza Strip habang 41,000 naman sa mainland Israel.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply