PNoy, di dapat mapikon – Obispo

bishop-oliveros

HINDI umano dapat na mapikon si Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa mga puna sa kanya ng Simbahang Katoliko.

Ito ang payo ni Malolos Bishop Jose Oliveros sa pangulo at iginiit na ang kanilang mga puna ay para naman sa ikabubuti ng bansa at ng mga mamamayan.

Ayon kay Oliveros, palagi namang nakikipagtulungan ang simbahan sa pamahalaan, lalo na sa magagandang programa nito ngunit hindi maaaring manahimik at kailangang punahin ng simbahan ang mga ginagawa ng gobyerno na lihis na sa turo at aral ng Simbahan.

Inihalimbawa ng Obispo ang Reproductive Health bill na mariing tinututulan ng Simbahan dahil banta ito sa buhay at pamilyang Pilipino.

Sinabi ni Oliveros na hindi dapat maging pikon si PNoy sa mga puna sa kanya dahil hindi lang naman sa kanya nangyari ito kundi sa lahat ng mga naging Pangulo ng bansa.

Paliwanag pa ng Obispo, ang mga puna ay dapat na magsilbing hamon sa pangulo at mga opisyal ng pamahalaan na isa-alang-alang palagi ang kapakanan ng mga Pilipino at hindi ang interes ng mga malalaking negosyante at dayuhan na nagsusulong ng RH bill.

Objective rin naman ang mga puna ng simbahan at para sa ikabubuti ng nakararami.

“Siyempre ang Simbahan is always in a critical collaboration with the government at kung halimbawa may napapansin man ang ilang mga Obispo sa kanya na hindi tama siyempre sasabihin yun,” ani Oliveros, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Objective naman ang mga criticism and they should accept criticism dahil para naman yan sa ikabubuti ng nakararami at sa bansa kaya ginagawa yun.”

“Medyo napipikon. Alam mo naman na ganun yata ang kanyang ugali pero sana huwag siyang mapikon. Pero he should ready for that, ang mga dati ngang presidente ay krini-criticized din yan. Si Pangulong Marcos at Gloria di ba maraming pumupuna sa kanila. Yung mabubuti, pinupuri natin at ang mga masasama at hindi dapat ay i-criticize natin para sa ikabubuti ng bansa,” aniya pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply