PNoy sa DFA: Kaligtasan ng Pinoys sa Israel tiyakin

abigail-valte

BAGO pa pumunta ng Cambodia ay muling kinalampag ni Pangulong Benigno Aquino III ang  Department of Foreign Affairs (DFA) na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel at sa Gaza Strip.

Ang kautusan ni Pangulong Aquino ay kasunod ng ginawang pag-atake ng Hamas militant group na nakabase sa Palestine sa Gaza Strip kung saan marami ang nasawi at nasugatan.

Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, nakipag-ugnayan na ang DFA sa kinauukulang mga kontak para masigurong nasa ligtas na kalagayan ang mga kababayan.

Sa ngayon ay wala pa namang napaulat na Filipino casualty sa pinakahuling karahasan sa rehiyon.

Sa record ng DFA, nasa 100 Pinoy ang nasa Gaza Strip habang 41,000 naman sa mainland Israel.

Matatandaang ilang dekada na ang nasabing karahasan sa pagitan ng Israel at Palestine kung saan noong nakaraang taon ay nagsagawa ng malawakang pag-atake at invasion ang Israeli forces.

Sa ulat, lalo pang tumindi ang sagupaan sa pagitan ng Israel at Hamas militants.

Kasalukuyang binobomba ng Israel ang Gaza Strip kung saan nakikita ang makapal na usok kasunod ng airstrike na isinasagawa ngayon ng Israeli forces.

Napag-alaman na magdamag na inulan ng rocket ang Israel, mula sa Hamas militants na siyang may kontrol ng Gaza.

Sa ngayon ang rocket arsenals ng Gaza ang binobomba ng Israeli fighter jets.

Nagpahiwatig na rin ang Jerusalem na magsasagawa ng ground invasion sa Gaza kung saan idineploy na nito ang tropa, tangke at armored personnel carriers malapit sa border ng Israel at Palestinian territory.

Kagabi, ay inatake ng Hamas ang Tel Aviv habang tatlo naman ang nasawi nang tamaan ng rocket ang isang apartment building sa southern Israel.

Sa Gaza naman ay 19 na ang nasawi sa pang-aatakeng ginagawa ng Israel simula noong Miyerkules kung saan napatay ang Hamas commander, kabilang na ang limang bata.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply