Prinsipyo mahalaga kay PNoy

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

TINANGKA ni Cambodian Prime Minister Hun Sen na linlangin ang Pilipinas sa pamamagitan nang pagtalakay nito sa kanyang talumpati sa 21st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na nagkaisa ang mga kasapi nito na lutasin ang usaping teritoryo sa mga miyembro na lang at hindi na kailangan ang pakikialam ng ibang nasyon.

Pumalag si Pangulong Benigno Aquino at kinontra ang pahayag ni Hun kung kaya nagkaroon ng muling pagbagsak ang usapin hinggil sa pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at China. Batid naman natin na ang Cambodia ay kaalyado ng Tsina kung kaya’t nadehado tayo.

Subalit dahil may paninindigan si PNoy, hindi nito inintindi kung mag-isa lang siya o iisa lang ang kanyang kakampi laban sa walo o siyam na kasapi ng ASEAN na tutol sa pagresolba ng usaping teritor-yal na sila-sila lang at hindi makikisali ang United States at iba pang bansa na kasapi ng United Nations.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nanindigan si Pangulong Noynoy kaugnay sa inaangking teritoryo ng China na tayo sa sarili natin ay batid nating sa atin talaga. Kaya naman, dapat lang na bumilib tayo kay PNoy na bagaman alam na may masamang epekto ang kanyang pagkontra kay Hun ay tumayo pa rin ito para sa kanyang Inang Bayan.

Marami ang nagsasabi na wala tayong kalaban-laban sa China na isa sa “powerful” countries sa mundo ngunit hindi naman natameme si Pangulong Aquino bagaman inaasahan niya na daraan tayo muli sa panggigipit ng nasabing makapangyarihang bansa.

Tama lang na ipinakita ni PNoy na hindi siya maiilang o matatakot sa China dahil sa “tinatahak niya ay hindi lang ang “tuwid na daan” kundi pati ang tamang landas. May punto ang ating Pangulo nang itaas niya ang kanyang kamay at kunin ang atensiyon ni Hun. Bahagi ng international law ang usaping territorial claim kung kaya’t dapat lang na makiaalam ang United Nations.

Nanindigan si PNoy sa prinsipyo na hindi naman tayo kakampihan ng mga karatig nating bansa dahil maging ang mga ito ay may interes sa iba pang bahagi ng ating bansa na nais nating makuha at masolo ang pag-aari.

Kaya naman hanga pa rin ako kay Pangulong Aquino dahil sa prinsipyo nito at tatag ng loob sa pagkontra sa mga nagnanais na maigupo ang ating bansa kaugnay ng pag-aari nating mga teritoryo. Dalangin natin na bigyan pa ng lakas ng katawan si PNoy para tuloy-tuloy ang kanyang maging laban sa mga bahagi ng ating bansa na pilit inaangkin ng karatig bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply