Protesta vs pagsasapribado ng ospital, kasado na

MAGLULUNSAD ngayong Sabado at Linggo ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ng iba’t ibang porma ng protesta upang labanan ang nagaganap na at nakaambang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at mga serbisyong pangkalusugan.

Ito umano ay paghahada sa isasagawang pambansang pagkilos na isasagawa ng Networks Opposed to Privatization of Public Hospitals and Health Services sa Lunes laban sa pribatisasyon sa sektor ng kalusugan.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, unti-unti tinatanggalan ng karapatang mabuhay ang mga maralitang pasyente sa pagpapatupad ng gubyernong Aquino ng pamosong programang Universal Health Care na umano’y nagkukubli sa masamang epekto ng Public-Private Partnership sa sektor ng kalusugan.

“Habang laganap ang kawalang ng trabaho at mapagkakakitaan, marapat lamang na tapatan ng protesta ng mamamayan ang PPP ni Aquino laluna ang mga maralitang nakaasa sa mga murang serbisyo ng mga pampublikong ospital,” ani Badion.

“Habang nagtataasan na ang singil ng mga batayang serbisyo sa mga ospital, nakaambang ipasa ng gubyernong Aquino sa kamay ng mga negosyante ang 26 na ospital sa bansa sa pagpapasa ng HB 6069 at SB 3031,” dagdag pa ng lider.

Protesta ng maralita

Ngayong Sabado ng umaga ay maglulunsad ang mga maralita ng North at East Triangle ng protesta sa labas ng Philippine Children Medical Center laban sa mataas na singil ng ospital sa mga medikasyon nito para sa mga batang pasyente.

Di pa umano sapat na 80,000 na mga paslit na ang namamatay kada taon dulot ng mga simple at nagagamot namang mga sakit, kakaltasan pa umano ng administrasyong Aquino ang pondo ng PCMC ng 100 milyong piso sa susunod na taon (mula 445 milyong piso patungong 345 milyon na lamang).

Sa Linggo ay maglulunsad naman ng Sakitang Bayan ang mga maralita sa Payatas upang ipakita ang pagtalikod ng gubyerno sa responsibilidad nitong maglaan ng serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan alinsunod sa dikta ng World Bank.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply