Pulis sa mga krimen at halalan sa USA

HABANG tinitipa ko ito, mga Bro, nalulungkot ako.

Bakit naman hindi ako malulungkot, eh, naghahalo ang balat sa tinalupan sa hanay ng ilang pulis.

May magagaling sa paggawa ng mga krimen, may mabababaw naman sa paggampan ng tungkulin.

KOTONG COPS PINAGSISIBAK

Sa lungsod ni Mayor Antonino Calixto sa Pasay, walong parak ang sinibak sa pangongotong.

Sina Insp. Angel Aguas, hepe ng Police Community Precinct-2 at mga tauhang sina SPO1 Francisco Aganan, PO3 Dennis Cabrera, PO1 Jeru Hernandez, PO1 Romeo Dimaculangan, PO1 Sunny Mercado, PO1 Reagan Recasio at PO1 Ryan Guzman.

Sinibak si Aguas hindi dahil kasama siya ng mga scalawag kundi sa command responsibility.

Nanghuli ang mga pulis ni Aguas ng nakamotor sa ‘di malamang kadahilanan.

ANG DAHILAN

Ayon sa biktimang si Apolinario Cababan, 33, driver at residente ng Purok 7, Brgy. Bagontaas, Valencia, Bukidnon, dinakip sila nina Agana noon pang Oktubre 10 sa Estrella St.

Dinala siya at isa niyang kasamang babae sa presinto at kinuha ang kanyang perang P7,000 cash, cellphone at relo bago pinaiwan ang kanyang motorsiklo na may plakang VA 5889 at sinabihan na makukuha lang niya ang kanyang motorsiklo kapag tinubos niya ng P10,000.

Pumayag si Cababan ngunit lingid sa kaalaman ng mga pulis, nagsumbong siya sa Tulfo Brothers.

Dito na nairekord ang pangongotong ng mga pulis at nang madiskubre ang dala-dalang spy gadyet ni Cababan na ikinabit ng Tulfo Brothers ikinulong na ang mga ito sa presinto.

Dahil sa nabulgar sa video ang kalokohan ng mga scalawag na ito, ayon at sinibak na sila.

CASE CLOSED NI MAGALANG

Sabi ng mga pulis sa Bacoor, Cavite at provincial police na rin, “case closed” na ang kasong robbery with homicide kay Cyrish Magalang.

Si Cyrish, mga Bro, ang dalaga at cum laude graduate ng University of Sto. Tomas na pinatay sa 49 saksak mula sa isang screw driver.

Sinimulang saksakin si Cyrish habang nakasakay siya sa traysikel ng mga suspek na gustong humoldap sa kanya.

Nagpatuloy ang pananaksak sa Brgy. Molino 7, Bacoor na kung saan siya ibinaba, tinangkang gahasain at basagin sa mukha sa pamamagitan ng isang hollow block.

“Case closed” na sabi ng pulis dahil sa pag-amin ng mga suspek sa kanilang krimen.

WALA NANG GAGAWIN

Sina Rolin at Roel Gacita ang suspek.

Habang umaamin sila sa paggawa ng krimen, humihingi rin sila ng kapatawaran sa harapan ng media.

Kaya sabi ng mga pulis, nakilala na ang mga suspek, nahuli at umamin na at wala nang ibang gagawin sa mga ito kundi iparaan sa pag-uusig ng hukuman at hatulan.

At tapos na ang kanilang trabaho?

Naku naman, Cavite Police Provincial Director S/Supt. John Bulalacao, hanggang diyan lang ba talaga ang dapat na gawin ng mga pulis?

PUSHER, LORD NASAAN?

Tanungin natin si Col. Bulalacao: paanong “case closed” ang pamamaslang kay Cyrish kung gumagala ang iba pang may kaugnayan sa pagkamatay nito?

Ang mga pusher at druglord ang nagtulak sa Gacita brothers para gumawa ng krimen.

Wala bang balak na habulin ng mga pulis-Cavite ang mga ito, Col. Bulalacao?

Paano ang kapabayaan ng mga opisyal ng barangay, ng mga nasa munisipyo at ng mga nasa lalawigan?

Kasama na rito ang mga pulis-panlalawigan, kernel.

Para sa ating UZI, kainutilan yang hindi paghanap ng mga pusher, druglord at pabayaang mga opisyal ng gobyerno.

Baka may mga protektor pa nga na mga pulis at opisyal ng bayan ng mga pusher at druglord.

Tangggapin man o hindi ng pulisya, laganap ang droga riyan sa Cavite.

Ano ang ginagawa, lalo na ng kapulisan sa Cavite?

TULUYANG SIBAKAN

Kung ako ang inyong tatanungin at kinauukulan, mga Bro, may sisibakin akong pulis, at least, sa Bacoor, Cavite na kinatagpuan ng mga mababangis na adik.

May malinaw na kapabayaan dito, kapabayaan sa paggala ng mga animal na adik, pusher at druglord.

Itong mga sinibak sa kotong na pulis naman sa Pasay ay hindi ko na rin pababalikin sa serbisyo.

Maghabol sila ng tambol mayor at kinakailangan na talaga ang mahigpit na disiplina sa hanay ng pulisya.

Maraming matitinong gustong maging pulis at marami ang pulis na papalit sa mga ito.

Napakarami akong pulis na kilala na dapat na bigyan ng pagkakataon na magsilbi nang mahusay, matapat at handang ipusta ang buhay, maging ang karangalan alang-alang sa sambayanan.

HASSLE SA AMERIKA

Saglit lang ang halalan sa United States of America.

Wala pang 24 oras makaraan ang halalan, alam na ng buong mundo ang nanalong Pangulo ng mga Kano.

Nagpasalamat na si Barack Obama at sumuko na si Mitt Romney saka bumati sa una.

Sa mahal kong Pinas, malayo ang kalagayan.

Bago ang halalan, pinapatay o sinisiraan muna ang kalaban ng isang kandidato.

Pag hindi niya napatay ang kanyang kalaban o hindi umubra ang kanyang paninira, poprotestahin at sisiraan niya ito hanggang sa abutan ng lahat ang darating na halalan.

Paano kaya natin isagawa ang sport na halalan sa Pinas?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply