Purisima, next PNP chief

HINDI ko malaman kung pupurihin o babatikusin ang ginawa ni Pangulong Noynoy na pagtatalaga kay PNP directorial staff chief Alan Purisima bilang pinuno ng binuong Task Force Halalan 2013.

Ang grupo na kilala rin bilang Task Force S.A.F.E (Secured and Fair Elections) ang siyang mangangalaga para siguruhin na magiging maayos ang darating na halalan.

Wala namang masama na maging sigurista si Pangulong Noynoy na gawing maayos ang halalan.

At dahil si Purisima ang pinili ni Noynoy na mamuno sa task force, maliwanag ang mensahe na gusto niyang iparating na siya na nga ang susunod na PNP chief.

Lumalabas na nagpapraktis na si Purisima dahil malakas ang bulong-bulungan na siya ang papalit kay PNP Director-General Nicanor Bartolome sa oras na bumaba ito sa puwesto sa buwan ng Marso ng darating na taon.

Base kasi sa nakagawian ng tradisyon sa PNP, ang dapat na mamuno sa election task force ay ang nakaupong PNP deputy chief for operations, na hawak naman ngayon ni Deputy Director General Rommel Heredia.

Pero dahil  si Purisima na ang napipisil na papalit kay Bartolome, minarapat marahil ng Pangulong Noynoy na siya na ang ilagay sa puwesto. Ito ay para nga naman maramdaman na ni Purisima kung paano pamunuan ang umaabot sa 148,000 miyembro ng kapulisan sa buong bansa.

Ang problema na lang dito ay baka naman magkasapawan at magkaroon pa ng intriga sa pagitan nina Bartolome at Purisima.

Hindi ito maiiwasan dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa ka-nila na siyang karaniwang pinanggagalingan ng mga tsismis at intri-gang maaaring pagsimulan ng kaguluhan.

Parehong professional at matitinong opisyal sina Bartolome at Purisima pero ang problema ay kapag kumilos na ang mga tao na nasa paligid nila para proteksyonan at isulong ang kani-kani-lang interes.

Sana naman ay hindi ito mangyari para naman maging mas epektibo ang ating kapulisan sa paglaban sa lahat ng uri ng kriminalidad at mga kriminal na kumikilos at nagpapagulo sa bansa.

Sa totoo lang ay hindi lang naman eleksyon ang dapat pag-handaan ni Purisima kundi ang patuloy na pagtaas ng antas ng krimen na karaniwang kinasa-sangkutan ng mga taong lango sa droga.

Dapat bigyang pansin din niya ang tila pagiging mas mapusok na ng mga kriminal na pabata na rin ng pabata, na tila walang kinatatakutan at kinikilalang batas kapag  gumagawa ng krimen.

Sa lahat ng ito, nahaharap sa malaking hamon si Purisima at mabuti na lang at ngayon pa lang ay nagpapraktis na siya sa pamamagitan ng pamumuno sa TF Halalan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply