Quezon Service Cross ipinagkaloob kay Robredo

IPINAGKALOOB ni Pangulong Benigno Aquino III ang “Quezon Service Cross”, ang pinakamataas na parangal sa bansa, sa namayapang kalhim ng DILG na si Jesse Robredo.

Ang naturang parangal ay upang kilalanin ang mga kontribusyon ni Robredo sa DILG bilang isang lingkod-bayan, at bilang isang Pilipino.

“Kanyang pinatunayan na hindi laging naipapamalas ang kadakilaan sa lakas ng puwersa, sa katapangan, o sa kagitingan. Isang simpleng taong kumakalinga sa simpleng tao: dito po natin maaalala ang pangalang Jesse Manalastas Robredo,” pahayag ni Pangulong Aquino sa idinaos na seremonya ng paggagawad ng naturang parangal sa namayapang Kalihim.

Tinanggap ni Atty. Leni Robredo, ang asawa ni Robredo, ang naturang parangal para sa namatay na kalhim.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na mahigit na anim na dekada na ang nakakalipas mula nang itatag ni dating Pangulong Manuel Roxas ang Quezon Service Cross.

Ito ay upang parangalan ang hindi-matatawarang serbisyo ni Pangulong Manuel L. Quezon sa Pilipinas, at upang magsilbing pinakamataas na pagkilala sa bukod-tanging paglilingkod sa ngalan ng Republika.

Mula noon aniya ay naging simbolo na ang Quezon Service Cross sa huwarang pagsisilbi sa lupang sinilangan; ang mga pangalang nakakabit sa pagkilalang ito ay ilan lamang sa mga Pilipinong kumintal sa damdaming makabayan ng sambayanan.

Nabatid na si Robredo ang ikalimang Pinoy na ginawaran ng nasabing pagkilala at ngayon ay kahanay na ng yumaong kalihim sina Carlos P. Romulo, Emilio Aguinaldo, Ramon Magsaysay at Ninoy Aquino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply