Rape: Kung may simpatiya sa biktima, dapat guilty na?

Allan Encarnacion mano_mano web copy

ISA ako sa mga hindi kaagad lumulundag sa paniniwala na kapag may mga prominenteng tao ang naaakusahan ng rape, guilty na sila.

Puwede nating sabihin na posibleng may mga maiimpluwensiya talagang nilalang ang nagsasamantala sa mahihinang kababaihan.

Pero tanggapin din natin ang argumento na puwede rin namang may mga kababaihan ang nagsasamantala sa sitwasyon para pagkakitaan ang maimpluwensiya.

Magandang pag-usapan itong bagong kaso ng pangmomolestiya laban kay Philippine Ambassador to Kuwait Shulan Primavera na inaakusa ng isang nagtatago sa pangalang Mabel.

May konting hibla lang ako ng pagdududa sa kasong ito dahil noong unang lumabas ang istorya, rape ang inaakusa sa opisyal pero makalipas lamang ng dalawang araw, sexual harrassment na lang dahil hindi naman daw pala siya ginahasa.

Pero paglabas pa lang ng balitang akusasyon, may mga statement na agad ang DFA na pinababalik sa bansa si Primavera, kaya ang tingin natin dito ay kumbinsido si Foreign Affairs Secretary Albert de Rosario at ang kanilang probe body na may kasalanan nga ang ambassador.

Sa tunay na timbangan ng hustisya, masyadong agrabyado ang isang lalaki sa sandaling inakusahan siya ng rape ng sinomang babae.

Ang palaging kalaban agad ng lalaki ay ang public opinion at ang public sympathy na karaniwan ay nakabatay lang sa mga lumalabas sa balita.

Kung may mga Adan na kayang gamitin ang kanilang lakas laban sa isang mahinang Eba, mayroon din namang kababaihang kayang mag-imbento at gamitin ang kanilang kahinaan para sa kanilang sariling pabor.

Hindi ko sasabihing inosente si Ambassador pero hindi ko rin muna puwedeng sabihing guilty siya ngayon.

Ang gusto ko lamang ipunto ay kung bakit masyado tayong mabilis humusga kahit wala pa tayong pinagbabasehan?

Naalala kong bigla ang sexual assault na kinasangkutan ni dating International Monetary Fund President Dominque Strauss Kahn sa Manhattan, New York nito lamang May 2011.

Si Strauss Kahn ay France’s big fish na posibleng naging Presidente ng France nitong nakaraang eleksiyon kung hindi winasak ng alegasyon ng sexual assault ng African-American na si Nafissatou Diallo
na isang housekeeper sa hotel.

Si Strauss Kahn ay inakusahan ng housekeeper na si Diallo ng pangmomolestiyang seksuwal.

Tinutukan ko ang kasong ito dahil nga umpisa pa lang ay pinagdudahan ko na ang pahayag ng Africana.

Sa unang pahayag ni Diallo, pumasok siya sa kuwarto ng Pranses sa Sofitel New York para maglinis.

Bukas daw ang pintuan at pagpasok niya sa kuwarto, kaagad siyang hinabol ng hubo’t hubad na si Strauss Kahn at isinalya para puwersahang i-oral sex niya.

Ang Africana ay 32 years old samantalang si Khan ay halos otsenta o 80 years old na kaya imposibleng maabutan siya nito kung tumakbo siyang palabas ng kuwarto para hindi mamolestiya.

Sa maikling kuwento, matapos ang DNA testing at ang masusing pag-iimbestiga ng korte, napatunayang nagkaroon talaga ng sexual encounter sa pagitan ni Diallo at ni Strauss Kahn pero hindi totoong pinuwersa siya nito.

Nabuking lamang na imbento ang bersiyon ni Diallo dahil ilang araw matapos arestuhin ang IMF president, lumabas ang mga kuwentong tinawagan ng housekeeper ang bilanggo niyang boyfriend para sabihing huwag mag-alala sa kanyang ginagawa dahil kayang-kaya niya ito at maraming pera si Frances na puwede niyang pasukahin.

Sa madaling salita, hustler si Africana na mukhang kinasabwat ng mga politiko sa France para wasakin ito at hindi makatakbo sa eleksiyon.

Ang ending, absuwelto si Strauss Kahn pero huli na ang lahat dahil nag-resign siya sa IMF na milyon-m,ilyong dolyar ang suweldo at naunsiyami pa ang pagiging Pangulo niya ng France.

Kaya nga importanteng hindi dapat basta-basta sumasakay sa mga lumalabas na isyu hangga’t walang judicial conclusion.

Kunsabagay, dito sa atin, kapag nakita ng judge na popular ang isyu at ang opinion ng tao ay guilty ang akusado as charged, ganoon na rin ang kanyang nagiging hatol, regardless kahit mahina ang kaso.

Kung may mga kababaihang nagiging biktima ng injustice sa usapin ng sexual harrassment, aminin din natin ang katotohanang may mga kalalakihan ding mas higit pa rito ang dinaranas kapag napagtripan ng mga mapaglaro sa lipunan.

Ang aral sa ganitong mga istorya, dapat ay maging matalino sa paghusga.

Mas tahimik mong pinag-aaralan ang kaso, mas magkakaroon ka ng tiyansang maging awtoridad sa pagbibigay ng sarili mong opinion.

Sabi nga, don’t judge so you won’t be judged.

allanpunglo@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply