Regalong laruan tiyaking ‘di choking hazard – FDA

NAGPAALALA ang Food and Drugs Administration (FDA) sa mga magulang at mga ninong at ninang na maging maingat sa pagbili ng mga laruang ibibigay sa mga bata sa Pasko at tiyaking hindi “choking hazard” ang mga ito.

Partikular na tinukoy ng FDA ang mga laruang pito (toy whistles) at bubble-making toys na may pito na naging dahilan para maospital ang isang tatlong taong gulang na bata na nakalunok ng isang bahagi ng laruan na natanggal.

Batay sa FDA advisory 2012-010, na pirmado ni FDA acting director Kenneth Hartigan-Go, may mga bahagi ng nasabing mga laruan ang maaaring matanggal habang ginagamit na pwedeng malulon ng mga bata kaya’t dapat na iwasan ang pagbili ng mga ito.

Dapat rin aniyang tiyakin na ang mga bahagi ng laruang bibilhin ay hindi madaling matanggal at malulon ng mga bata.

“Always check the quality of the toys before purchase. Make sure that the parts are not easily removed so as not to cause hazard to the user,” ayon pa sa FDA chief.

Pinayuhan rin ni Hartigan-Go ang mga mamimili na palaging basahin ang mga label at warning na kasama ng mga laruan.

Iginiit rin nito na dapat bantayan ang mga maliliit na bata habang naglalaro dahil maaari silang maaksidente.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply