Remate 3-0 sa NPC Basketball tournament

INUUBOS muna ni JR “Slasher” Reyes ang oras, sabay salaksak at saka pinasa kay Crismon “El Aparador” Heramis, ititira sana subalit nakita si Rico Navarro na libre kaya naman naisalpak nito ang pandiin na puntos upang payukuin ang SPP Press, 88-85 sa National Press Club, (NPC) President’s Cup Media Invitational Basketball Tournament sa PDEA Gym, Quezon City kaninang umaga.

Nasa unahan ang pilay sa taong Remate, 86-85 may 24.7 segundo na lamang ang nalalabi sa final canto, sa katunayan ay may pasabit pa ang sports editor ng Remate na si Navarro ng isalpak nito ang layup apat na segundo na lang ang natitira sa oras.

Nagmintis si Navarro sa kanyang bonus shot subalit tumalbog ng mataas ang bola at nag-agawan sa ere dahilan upang hindi na umabot sa kabilang court ang takbuhan at ilista ng remate ang malinis na tatlong panalo.

Anim lang na player ang naglaro sa Remate driblers kaya nalamangan sila ng grupo ng mga photographers sa half time 44-52 subalit sa third canto ay nagsimula ng umarangkada sa opensa sina A. Bayug, Reyes at Elech Dawa.

Medyo inaalat ang ace player ng Remate na si Bayug sa first canto subalit siya pa rin ang nanguna sa opensa ng tumikada ito ng 32 puntos habang ang pambatong point guard ni Team manager Mr. Benny Abante ay nag-ambag ng 26 points.

Isang mahalagang tres ang kinana din ni Heramis upang ibalik sa Remate ang abante, 80-78 may 3:45 minuto sa fourth period.

Nagtala naman ng 12 pts. ang dating player ng Pakitang Gilas na si Dawa habang si Navarro ay bumakas ng 10 markers.

Bukod sa rebounds gumawa rin sina  Joseph Lipasana at Heramis ng pito at tatlong puntos ayon sa pagkakasunod.

Kasalo ng Remate ang Pakitang Gilas sa top spot ng team standings.

Tinalo ng Pakitang Gilas ang QCPD, 111-45.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply