Rep. Angara hinimok ang gobyerno na magrebolusyon kontra kahirapan

KASABAY ng pagdiriwang ng ika-149 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, nanawagan sa gobyerno ang isang beteranong miyembro ng Kamara na maglunsad ng naiibang uri ng rebolusyon – ang pagtiyak na mararamdaman ng lahat ang mga benepisyo ng paglaki ng ekonomiya, lalo ng mahihirap.

Sinabi ni Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara na nasa posisyon ang bansa para tiyakin na ang pag-unlad ay para sa lahat, lalo’t umangat ng 7.1 porsiyento ang ekonomiya nitong third quarter ng taon.

“Malaking bilang ng mga Pinoy ang nanatili pa ring mahirap. May mga ‘di makapaniwala na lumalaki ang ating ekonomiya dahil ‘di naman nababago ang kanilang buhay. Para maramdaman naman nila, kailangang magkaloob ng mga oportunidad para sa mga indibidwal at pamilya sa pamamagitan ng trabaho at negosyo. Kung may economic growth, dapat ay may equitable growth,” ani Angara.

Malaki pa rin ang agwat ng mayaman at mahirap base sa Gini coefficient ng bansa na 45.

Ang Gini coefficient ay isang paraan ng pagsukat sa distribusyon ng yaman tulad ng kita. Ang mababang coefficient ay nangangahulugan ng mas maliit na agwat ng kita o yaman ng mahirap at mayaman.

Lumalabas na malaki ang agwat ng kita ng mayaman at mahirap sa Pilipinas kung ikukumpara sa mga bansa sa Southeast Asia tulad ng Singapore (43), Thailand (43), Cambodia (40), Indonesia (39), Malaysia (38), Vietnam (38) at Lao PDR (33).

“’Di lang dapat na iahon sa kahirapan ang mga Pinoy. Kailangan na armasan sila para maging produktibo at magkaroon ng mas maraming oportunidad,” anang mambabatas mula sa probinsiya ng Aurora.

“’Di lang dapat maka-graduate sa college ang mga estudyante, dapat na makakuha sila ng trabaho na naaayon sa kanilang natapos na kurso at kakayanan,” pagbibigay-diin ni Angara na chairman ng House Committee on Higher and Technical Education.

Malaki ang paniniwala ni Angara na ipagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon na pag-abutin ang kinikita ng mayayaman at mahihirap sa bansa.

“Tulad ni Bonifacio, malaki ang tiwala ng mga tao kay Pangulong ‘Noy, bilib din sa kanya ang mga investors. Kung ang namumuno ay credible at accountable, sa palagay ko, mayroong maaabot ang bansa at mamamayan,” aniya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply