Saktong pamasko sa mga kasambahay

trending-ngayon-sonny-angara

MATAPOS ang 15 taon na pagkabinbin, nalalapit na ang pagsasabatas ng Kasambahay Bill o House Bill 6144 (na isa ako sa mga may-akda).

Noong nakaraang linggo, napagkaisa ng Congressional bicameral conference committee ang hindi magkakatugmang probisyon sa mga bersiyon ng panukalang batas ng Senado at Kamara.

Umaasa kami na mapipirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang natatanging Domestic Workers Act bago matapos ang taon. ‘Saktong regalo ito sa Pasko sa hindi bababa sa dalawang milyong kasambahay.

Nagkasundo ang mga miyembro ng bicameral meeting na hindi bababa sa P2,500 bawat buwan ang minimum na sahod ng mga kasambahay na nagtatrabaho sa National Capital Region; P2,000 bawat buwan para sa mga nagtatrabaho sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 bawat buwan para sa mga nagtatrabaho sa iba pang munisipalidad.

Maliban sa pay standardization, nararapat ang pagkakaroon ng mga ito ng mga benepisyo alinsunod sa mga umiiral na batas tulad ng pagiging miyembro nila ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund. Sasagutin ng employers ang pagbabayad ng premium sa SSS, Philhealth, at Pag-Ibig Fund kung mas mababa sa P5,000 ang sahod ng kanilang kasambahay.

Subalit kung P5,000 pataas ang sahod, paghahatian ng employer at kasambahay ang pagbabayad ng kontribusyon sa SSS at Pag-Ibig habang babayaran pa rin nang buo ng employer ang premium sa Philhealth ng kasambahay.

Nilalaman ng napagkaisang panukalang batas ang 13th month pay at pagkakaroon ng bayad na limang araw na leave kada taon ng kasambahay na nakapagserbisyo na sa kanyang employer nang hindi bababa sa isang taon.

Ipinagbabawal sa employers na itali sa utang ang kanilang mga kasambahay at pati na rin ang pagkuha sa mga kabataan na wala pang 15 taong gulang.

Bilang chairman ng House committee on higher and technical education, naninindigan ako na dapat payagan ng employers ang kanilang kasambahay na magkaroon ng batayang edukasyon at akses sa kolehiyo, technical at vocational training, o iba pang alternatibong sistema ng edukasyon.

Napag-usapan namin ng mga kapwa kongresista na dapat magparaya ng employers pagdating sa oras ng trabaho kung ninanais ng kanilang kasambahay na makapagtapos ng pag-aaral.

Isa itong paraan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga kasambahay na makahanap ng ibang trabaho kapag naka-graduate na sila.

***

BINABATI ko ang mga pinuno ng Senate at House contingents sa Bicam na sina Sen. Jinggoy Estrada at Cong. Emil Ong.

Malapitan kong nakita ang kanilang pagsusumikap at determinasyon para maisabatas na ang napapanahong Kasambahay Bill.

Kudos, Sen. Jinggoy, Rep. Ong!

***

ANG 12th edition ng Miss Earth ngayong 2012 ay nakikibahagi para sa pagsusulong ng sustainable environment at climate change adaptation bilang kontribusyon ng pageant sa “Conference of Parties 18” ng United Nations Framework Convention on Climate Change o UNFCCC.

Nagagalak ako na bilang isa sa judges ay nakasama ko sa Legazpi City ang Miss Earth candidates o ang tinatawag na “beauties for a cause” para sa kanilang evening gown and resort wear competitions.

Maliban sa pagandahan sa kanilang mga suot na long gown at swim wear, tampok din ang tree planting na ginawa nila sa Mayon Eco-Park bilang tugon sa climate change adaptation.

Binabati ko ang mga nanalo sa Miss Earth 2012 at pati na ang organizer at sponsors ng makabuluhang pageant na ito.

***

Para sa mga reaksiyon at komento, mag-e-mail sa sonny@sonnyangara.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply