Salvage cops sibakin at biktima ingatan

benny antiporda

DAPAT na sibakin kaagad itong mga salvage cop ng Quezon City na nabulgar nitong nagdaang mga araw.

‘Yan ay kung totoo ang bintang ng isang Rommel Solarte na umano’y naging biktima ng bigong salvaging.

Itinuro ni Solarte ang nagnais pumatay sa kanya na mga pulis na sina PO1 Jomar Torafiel, P01 Laron, P03 Donaog, SPO1 Mando Rivera at SPO1 Jose Agob.

Walang lugar sa pulisya ang mga ganitong klaseng pulis.

INARESTO NANG WALA SA LUGAR

Natiyempuhan si Solarte nina Torafiel sa Philcoa habang nag-aabang ito ng masakyan pauwi sa kanila.

At sinabihang may reklamo umano sa kanya kaya kailangan niyang madala sa presinto.

Sa halip na sa presinto, sa ilang na lugar at walang katao-tao siya dinala at dito na siya kinabahan.

Totoo ang kanyang naging hinala, dinala siya sa masukal na lugar at doon na siya pinagbabaril.

MASKING TAPE AT ALAMBRE

Heto ang nakatatakot na pagdedetalye ni Solarte.

Unang isinakay siya sa patrol car at inilipat siya sa ibang sasakyan makaraan.

Anak ng tokwa, para walang makakikita ng anomang pagkakasangkot ng mga pulis?

Habang ibinabiyahe siya, isiniksik siya sa ilalim ng upuan makaraan siyang balutan ng masking tape mula sa mukha hanggang leeg at gapusin ng alambre.

At nang makarating sila sa salvage area, pinagbabaril na siya saka mabilis na umalis ang mga pulis sa lugar.

Akala siguro ng mga pulis na ito, natodas na si Solarte.

NABUHAY MULI

Ngunit sadyang hindi pa ring oras para tuluyan nang magpahinga si Solarte.

Nang magkamalay siya, gumapang siya palabas sa lugar hanggang kalsada at doon may nagmagandang-loob para itakbo siya sa ospital.

Makaraang lumabas siya ng ospital, dumiretso na siya at ilan niyang kapamilya sa Commission on Human Rights para isumbong ang mga pulis na nabigong pumatay sa kanya.

DAHILAN NG SALVAGING

Simple lang ang paliwanag ni Solarte kung bakit siya ginustong iligpit ng mga pulis.

Inayawan niya ang pagiging police asset at gumawa ng mga krimen pabor sa mga pulis.

Napag-alamang kung ilang beses na rin kasi siyang nakulong dahil sa snatching, pandurukot at pagnanakaw.

MGA SCALAWAG AT BERDUGO

Kung totoo ang pinagsasabi nitong si Solarte, malinaw na may sa demonyo ang mga pulis na kanyang pinagbibintangan ng frustrated murder.

Alam nilang notoryus na kawatan itong si Solarte ngunit ginusto nilang gamitin ito para sa pagpapatuloy ng mga krimen?

Dito na lumitaw, mga Bro, ang kawalang karapatan ng mga pulis na magpatuloy na pulis.

Mga bantay-salakay na ang mga ito, mga berdugo pa.

Nilalabag ng mga pulis na ito ang tatak sa police patrol na “To Protect and To Serve” ang mamamayan bilang pangunahing  tungkulin nila.

BANTAYAN SI SOLARTE

Kung ipagpatuloy ni Solarte ang balak nitong kasuhan ang mga pulis, masasabi nating nanganganib ang buhay nito.

Tiyak na sasampa sa hukuman at National Police Commission at Civil Service ang kaso ng mga ito.

Pagkakakulong at pagkakasibak sa empleyo ang ibubunga ng mga kasong kriminal sa hukuman at administratibo sa Napolcom at CSC.

Mawawalan ng kinabukasan ang mga pulis dito at dito na maiisip ng mga pulis na tutuluyan si Solarte sa anomang pagkakataon na makita nila ito.

Kaya dapat siyang bantayan ng mga kinauukulan para hindi mawalan ng testigo ang mga kaso laban sa mga scalawag.

DISARMAHAN AT IKULONG

Dapat na madisarmahan kaagad sina PO1 Jomar Torapiel, P01 Laroy, P03 Donaog, Sgt. Mando Rivera at Sgt. Agab.

Dapat din silang ikulong na rin gaya ng ginagawa ng mga pulis sa mga suspek sa krimen na katulad na kaso ni Solarte.

Hindi pupuwedeng manatiling armado ang mga ito dahil sa ginawa ng mga ito kay Solarte ay pupuwede rin nilang gawin ito sa iba.

Hindi natin ipinagtatanggol si Solarte.

Ngunit kung iisipin, mga Bro, higit na mapaminsala ang mga scalawag na pulis kaysa si Solarte.

Dahil ginagamit ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan sa paggawa ng mga iligal, kabilang na ang pag-salvage.

MABILIS NA PAGLILITIS

Dapat na isalang kaagad sa summary dismissal proceedings ang mga pulis.

Kung mapatutunayan ang kanilang kalokohan, dapat silang madismis kaagad sa serbisyo.

Ang pagsasampa ng kaso sa hukuman ay dapat ding mabilis para makulong na rin ang mga ito.

Sakaling mapatunayan namang nag-iimbento lang ng istorya itong si Solarte, aba, dapat lang na lumaya kaagad ang mga pulis.

Upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga serbisyo sa bayan.

Dapat ding masampahan ng kaukulang kaso si Solarte kung sakali ngang nag-iimbento siya ng kasiraan sa mga pulis.

SUPT. RICHARD FIESTA

Itong si Supt. Richard Fiesta na bosing ng mga pulis ay dapat na kumilos kaagad ukol sa kaso ng kanyang mga pulis.

Kernel, nasaan na ang mga nabanggit na mga bata  mo, ha?

Dapat ibigay mo ito sa mga kinauukulan para sa mga kaukulang aksyon.

O kilos na!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply