San Pedro Calungsod bumisita sa Caloocan

PINANGUNAHAN nina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang pagsalubong kay San Pedro Calungsod nang bumisita ang imahe ng bagong santo sa naturang lungsod kahapon.

Kasama ng mga deboto at iba’t ibang grupo ay sinalubong nina Mayor Recom at Councilor RJ ang imahe ng bagong santo sa panulukan ng C-3 Road at A. Mabini St. mula sa Manila Cathedral kung saan ay dinala ito sa Cathedral of San Roque sa Caloocan City.

Dinagsa rin ng mga debotong residente ang imahe ni San Pedro Calungsod sa Cathedral of San Roque kung saan ay binigyan ang bagong santo ng “enthronement rites, public veneration, misa, maikling video presentation sa buhay nito at prayer vigil.

Ayon kay Caloocan City Bishop Most Rev. Deogracias Iñiguez, Jr., alas 11:00 ng umaga kanina nang nagpaalam na si San Pedro Calungsod sa mga residente ng lungsod kung saan ay dadalhin ito sa Imus, Cavite.

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Mayor Echiverri ang mga residente ng lungsod na gawing modelo si San Pedro Calungsod dahil kahanga-hanga ang pananampalataya niya sa Poong Maykapal na maging ang sariling buhay ay handang ibuwis.

Sinabi pa ng alkalde, isang malaking karangalan ang pagbisita ng imahe ni San Pedro Calungsod sa kanyang pinamamahalaang siyudad dahil kasabay nito ang basbas at grasyang dala ng bagong santo sa mga residente ng lungsod.

Nagpasalamat din si Mayor Recom sa iba’t ibang grupo na nakibahagi sa pagbisita ni San Pedro Calungsod na kinabibilangan ng Diocesan Catechetical Ministry, Diocesan Youth Ministry, Columbian Squires-Vicariate of San Roque, Vicariate Representatives, Sangguniang Laiko ng Caloocan/Council of the Laity at Parish Organizations/Ministries.

Sumali naman sa prayer vigil ang Kaloocan Diocese Schools’ Association (KADSA) na kinabibilangan ng La Consolacion College, St. Mary’s Academy, Notre Dame of Greater Manila, St. James Academy, St. Gabriel Academy, San Jose Academy, Immaculate Conception Parochial School, Immaculate Heart of Mary School, De La Salle-Araneta University at ang Diocesan Catechetical Ministry na nagmula sa mga pampulikong paaralan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply