Sayang ang pagkakataon

BAGAMA’T sang-ayon ang karamihan sa ginagawang paglilinis ng Commission on Elections sa hanay ng partylist organizations ay tila may ilang aspeto rito ang dapat linawin ng komisyon sa publiko.

Totoong sinasamantala ng mga makapangyarihan at mayayaman ang mga butas sa batas kaugnay ng partylist system. Ang partylist system ay nilikha upang mabigyang pagkakataon ang mga mahihirap na sektor ng lipunan tulad ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, propesyonal, at iba pang api sa lipunan pero ang nangyari ay pinasok ito ng mga walang-hiyang pul-politiko at pinaikot ang sistema upang ang kanilang interes ang mamayani.

Ang sitwasyong ito ay maaaring isisi, hindi lamang sa mga duhapang na mga pul-politiko at interes kundi sa laksang masa na rin na paulit-ulit nagluluklok ng mga walang kwentang lider sa Kongreso.

Imbes maghalal ng mga representante sa kamara ng mga partylist organization na tunay na nagrerepresenta ng kanilang interes ay walang pakialam na nagluluklok ng kung sino-sino na lamang ang masang botante.

Hayun nahahalal tuloy ang mga hindi karapat-dapat tulad ng mga mag-anak na Arroyo. Mas marami akong kilalang tunay na lider na higit ang kakayahan sa mga iyan dangan nga lamang dahil sa kahirapan ay hindi maluklok sa poder.

Ito rin ang dahilan kaya ngayon ay nadadamay na rin sa pagpupurgang ito ang mga grupo na tunay na kumikilos para sa interes ng bayan tulad halimbawa ng Alab ng mga Mamamahayag o ALAM Partylist.

Hindi mapapasubalian sa ngayon ang kaaba-abang kalagayan ng mga manggagawa sa media mula sa tanggapang editorial hanggang sa imprenta. Hindi kasinungalingan kung aking sasabihin na ang laksang nakararami sa aming hanay ay hikahos dahil sa kakulangan ng pasahod at mga benepisyo na kadalasa’y kagagawan ng mapagsamantala o oportunistang may-ari ng pahayagan o media entity.

Tama man o mali, ito ang nagtutulak sa marami sa amin para maghanap nang ikabubuhay sa ibang paraan. Dito na kokorap ang media. Sinasadya man o hindi, malaki ang papel ng mga may-ari ng mga media entity sa kaaba-abang kalagayan ng mga mamamahayag sa ngayon.

Hindi komo’t bokasyon ito ay maaari na o dapat kaming pagsamantalahan. Ang pagkakaroon ng representante sa Kamara ng mga mamamahayag ay magbibigay-tinig sa isang sektor na bagama’t likas ang kakayahang magpahayag ay kakatwang tikom ang bibig pagdating sa mga pang-aabuso ng kanilang mga pinangangamuhan.

Maaaring sa pamamagitan nito ay mabawasan kundi man tuluyang mawala ang pagsasamantala sa aming hanay.

Bukod pa rito ay hindi rin maitatanggi na takbuhan ng masa ang hanay ng mga mamamahayag sa panahon ng kagipitan. Minsan nga ay mas pinaniniwalaan pa ng tao ang media kaysa sa pamahalaan.

Kaya hindi ko maintindihan kung anong track record ang hinahanap ng Comelec nang kanilang tanggihan ang akreditasyon ng ALAM  bilang isang lehitimong partylist group.
Sinayang ng Comelec ang pagkakataong ito.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply